Ang pagkakaaresto kay Bolante ay magandang pangitain na nagwakas na ang pagtatago ng dating agriculture undersecretary na naakusahan ng anomalya kaugnay sa P3-billion fertilizer scam. Ang P3-bilyon ay hinihinalang ginamit ni Bolante noong May 2004 election. Ang pera ang ginamit umanong pangreward sa mga pulitikong tumulong sa kampanya ni Mrs. Arroyo noong 2004 elections.
Si Sen. Ramon Magsaysay Jr. ang nakabuking ng fertilizer scam. Si Magsaysay ang chairman ng Senate committee on Agriculture. Ilang ulit nang inimbitahan ng Senado si Bolante subalit patuloy nitong "binabastos" ang mga senador. Walang interes makipagbalitaktakan si Bolante sa isyu ng fertilizer scam. Bagay na ipinagtataka naman ng taumbayan kung bakit ganoon na lamang ang pag-iwas ni Bolante sa Senado. Mayroon ba siyang itinatago kaya ayaw niyang magpakita. Mayroon ba siyang inililihim kaya ayaw lumantad?
Ang hindi pagdalo ni Bolante sa mga paanyaya sa kanya hinggil sa fertilizer scam ay para na ring pag-amin sa kasalanan. Ang pag-alis niya ng bansa ay pag-amin na rin sa kasalanan. Nakapagtataka naman kung paano nakalalabas ng bansa si Bolante gayong may hold departure order sa kanya.
Ngayong naaresto na si Bolante, nararapat mabantayan siyang mabuti at baka makatakas. Tiyak na may malalaking tao sa fertilizer scam at marahil ay ang mga malalaking taong ito ang nagpapalakas sa loob ni Bolante para umiwas sa imbestigasyon. Maaaring mainit na mainit na si Bolante sa mga taong nasa likod ng fertilizer scam.
Huwag hayaang makatakas si Bolante at pakaingatan sapagkat may mga taong gusto siyang patahimikin. Hindi biro ang P3-bilyong fertilizer scam. Pabalikin siya sa bansa para malaman na nang taumbayan ang katotohanan sa fertilizer scam.