Ang isyu ng mga billboards sa kalsada ay hindi pa tapos pagdebatehan ng mga taga-Department of Public Works and Higways at mga grupo ng advertisers na naglalagay nito sa gilid ng mga kalsada. Ang Metro Manila Development Authority din naman ay may bahagi rin sa isyu ng billboards.
Marami ang pabor na tanggalin ang mga billboards lalo na ang mga nasa EDSA sa dahilang mapanganib na bumagsak na magiging sanhi ng kamatayan. May mga billboards na itinatayo mismo sa ibabaw ng building na delikado sapagkat maaaring bumagsak sa bahay na nasa ilalim nito. Binabatikos ang mga seksing modelo na takaw-pansin kaya nanganganib na maaksidente ang mga motorista.
Ayon kay Architect Emmanuel Cuntapay, executive director ng National Building Code Development Office ng DPWH, maraming billboards ang napatunayang hindi matibay ang konstruksyon at maaaring matanggal at mabuwal lalo na kapag may bagyo o kayay lindol. Napatunayan din na may mga lumabag sa "zoning" at kahit apat na palapag lang ang aprubado ay tinataasan pa ang konstruksyon.
Ayon sa Philippine National Advertisement (PANA), handa silang tumalima sa mga rules on safety and properly constructed billboards sa mga prohibitive areas at ang hindi susunod sa mga kautusan, ay ang PANA na mismo ang gagawa ng kaukulang hakbang.
Para sa akin dapat na mailayo ng ilang metro ang mga billboards sa kalsada at ganoon din sa kabahayan para naman hindi maging dahilan ng aksidente lalo na kung panahon ng bagyo at kapag lumindol. Dapat din naman siguruhin ng mga advertisers na matibay ang structure nito.