Ano na nga ba ang nangyari sa balak na restoration ng MET? Nakakalungkot isipin na ang dating tanghalan ay animoy isang napabayaang simboryo na sa kasalukuyan.
Batid ko na sa programang "Buhayin ang Maynila" ni Mayor Lito Atienza ay kasama ang restoration ng MET. Marami ng mga lugar, lalo na ang mga plasa, na napaganda ni Atienza, subalit mukhang nakakaligtaan ang makasaysayang teatro ng masa. Matatandaan noong dekada setenta ay inayos at pinaganda ang MET. Sa katunayan marami ang dumagsa rito sa tuwing magsho-show sa TV ang ngayon ay mayor ng Lipa City na si Vilma Santos. Ilang beses na rin akong nakadalo sa mga awards nights ng FAMAS na ginanap sa MET.
Napadaan ako sa MET at napansin ko na ang karatula na nakalarawan si Mayor Atienza na ipinahayag ang taus-pusong pasasalamat ng mga taga-Maynila sa Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa restoration ng MET, ay kupas na at halos nakikisabay sa nilulumot na pader ng MET. Ang tanong ng Bantay Kapwa kailan maisasakatuparan ang restoration ng MET?