Ganyan kalambot ang batas dito sa Pilipinas at hindi na nakapagtataka kung magpaulit-ulit lamang ang mga banta sa pag-agaw sa gobyerno.
Kakatwang karamihan pa sa nagtatangkang umagaw sa gobyerno ay mga nagtapos sa Philippine Military Academy. Pagkaraang gastusan ng perang galing sa buwis ng taumbayan ang mga PMAyers na ito pa ang naghahasik ng kaguluhan. Pinag-aral nang libre at kaguluhan pala ang igaganti.
Nabuking ang tangkang kudeta noong February 24, 2006 at pinamunuan na naman ng mga sundalong nagtapos sa PMA. Ang balak na kudeta ay lalo pang luminaw nang mapanood ang video kung saan inihayag ang withdrawal ng kanilang support kay President Arroyo sa pangunguna ni dating Scout Ranger commander Brig. Gen. Danilo Lim. Totoo pala ang umugong na kudeta noong February 24 at hindi haka-haka lamang. Ang standoff ng Marines sa Fort Bonifacio ay bahagi ng planong kudeta. Pero pumalpak ang plano dahil natunugan ang balak nina Lim at iba pang opisyal.
Noong Biyernes ng madaling araw, nadakip na ang anim na Magdalo officers, kasama ang ilang sibilyan sa isang bahay sa Quezon City. Ang Magdalo group ang nagsagawa ng pagkubkob sa Oakwood Hotel ilang taon na ang nakararaan. Nakakulong na ang iba sa kanilang kasamahan.
Sabi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines, wala na raw problema sa pagkakadakip sa anim. Tatahimik na raw.
Mahirap paniwalaan iyan, tiyak na may susulpot pang mga sutil hanggat hindi nakatitikim nang mabigat na parusa ang mga sundalo. Ikulong sila nang habambuhay.