^

PSN Opinyon

‘Lutuan sa karera ng kabayo!??’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
MADALAS KO NG MADINIG ang tungkol sa Horse Race fixing.

Umaasa ang bayang karerista na sa pagkahirang ni dating Gen. Florencio Fianza magkakaroon ng pagbabago, subalit mukhang hindi yata mangyayari ito.

Nung Sabado nadinig ng buong bayan kung paano ang mismong mga hosts sa San Lazaro Leisure Park kung paano ang mga hosts ng programa na karera ng kabayo na sina Jenny Orstuoste at si Monty Martinez na akala nila hindi na sila nadidinig ng publiko ng sabihin ni babae, "Monty anong sabi mo hindi labas sino? Yung Llamado (shifty ang panglan ng kabayo)."

Madami ang nakataya dyan sa kabayong yan dahil primera llamado at totoo nga hindi nanalo si Shifty.

Obvious na nga na malakas ang ugong ng korupsyon at horse race fixing dyan sa King of Sports na yan subalit ang ginawang katangahan ng dalawang host na sina Monty at Jenny ay magpapatunay lamang na hindi na dapat tangkilikin ng bayang karerista ang karera ng kabayo. Niloloko lang kayo at kinukuha ang pinaghirapan n’yong pera.

Paano naman malalaman ng mga hosts na ito na hindi labas ang llamado kung hindi talagang inayos na ang karera para iba ang manalo.

Yan din ang hirap kung mga bagito ang mga broadcasters na nagku-cover ng karera. Hindi pa sarado ang kanilang mike nagsasalita na sila sa ganito. Magtitiwala pa ba tayo at patuloy na magpapaloko?

Bahala na kayo kung gusto n’yo pa ring pagpatuloy ang pagtaya sa karera. Hangga’t hindi kumikilos si Gen Fianza dapat tanggalin ang kumpiyansa sa karera. Sayang ang pera natin.

NGAYON PARA SA TAMPOK na kwento sa araw na ito.

LAHAT ng bagay ay napapag-usapan naman ng maayos upang hindi na humantong sa magkakademandahan pa.

Wala namang masama kung ikaw ay magbibigay o magpaparaya sa iyong kapwa. Subalit ang kasong tampok sa araw na ito ay tungkol sa pagtutol ng suspek sa ipagagawang linya ng tubig hanggang sa ang dalawa ay magkasakitan pa.

Ito ang kasong inilapit sa aming tanggapan ni Elizabeth Galicha ng Balintawak, Quezon City hinggil sa kasong kanilang isinampang physical injuries, grave threat at RA 7610 laban sa suspek na ayon sa biktima ay matagal nang nakabinbin at hanggang sa ngayon ay hindi pa nareresolba.

Nagsimula umano ang alitan sa pagitan nina Elizabeth at ng suspek na si Leonora Caño-Riego nang magpasya ang una na magpakabit ito ng linya ng tubig.

Nais nilang magkaron ng sariling linya ng Nawasa kaya nag-apply ang mga ito subalit hindi umano pumapayag ang suspek na magpakabit sila dahil ayaw nitong padaanin sa tapat ng kanilang bahay ang magiging linya nito.

"Bago naman kami magpahukay ay nagpasabi naman ang tatay Severino ko sa nanay ni Leonora, si Aling Pining na magpapagawa kami ng linya ng tubig. Sinabi naman ni Aling Pining sa anak niya ang plano namin pero sinabihan naman kami nito na ayaw daw pumayag ng anak niyang maghukay kami sa tapat nila," kuwento ni Elizabeth.

Wala namang nagawa ang pakiusap ni Severino kaya naman nagpasya silang isangguni sa kanilang barangay ang kanilang hinaing. Humiling sila sa barangay ng permiso upang makapaghukay at sila naman ay pinagbigyan nito.

Hindi naman inakala nina Elizabeth na hindi nagustuhan ni Leonora ang kanilang naging hakbang. Ika-25 ng Abril 2005 sa Oliveros Drive, Brgy. Apolonio Samson, Balintawak, Quezon City naganap ang insidente. Lumabas ang mag-inang Elizabeth at Ocean Simon ng bahay para bumili ng lugaw.

"Bibili kami noon ng lugaw. Hindi ko naman napansin na noon pala ay nasa likod ko si Leonora. Nagulat na lang ako nang may biglang sumuntok sa likuran ko. Pagharap ko saka ko pa lang nakita na ang suspek pala ang sumuntok sa akin," sabi ni Elizabeth.

Hinarap umano ni Elizabeth ang suspek. Gulat na gulat ito sa pangyayari hanggang sa lumaban na umano ito para maidepensa ang sarili.

Samantala habang nagpang-abot na sina Elizabeth at Leonora ay nadamay pati ang anak ng una. Nasaktan din si Ocean Simon hanggang sa mabagok ang ulo nito sa semento.

"Hanggang sa tumigil lang ang suspek dahil sa bumagsak na ang anak ko sa semento. Nagagalit siya sa akin dahil ayaw niyang pumayag na maghukay sa daanan ng bahay nila. Hindi naman sila maaabala ng matagal dahil sandali lang ang pagpapagawa nito. Dahil lang dito ay sinaktan niya ako at pati ang aking anak na wala namang malay ay nasaktan din," sabi ni Elizabeth.

Agad namang nagpasuri sina Elizabeth at ang anak nitong si Simon dahil sa pagkakahulog at tinamo nitong bukol. Dahil na rin sa pangyayaring ito, nagsampa ng kaukulang reklamo si Elizabeth laban kay Leonora.

"June 7, 2005 ng pormal akong magsampa ng kaso sa Prosecution Office ng Quezon City laban kay Leonora," sabi ni Elizabeth.

Nagkaroon ng preliminary investigation sa kasong ito hanggang sa huli nilang paghaharap noong Disyembre 2005. Dismayado si Elizabeth sa matagal na paglabas ng resolution nito.

"Nais sana naming mapabilis ang paglabas ng resolution ng kasong ito. Matagal na ring natapos ang preliminary investigation. Nagpa-follow up kami kung may resolution na pero ang sabi sa amin ay maghintay na lamang kami," sabi ni Elizabeth.

Hangad ng pamilya ni Elizabeth na mapabilis ang pag-usad ng kasong ito. Umaasa silang papaboran sila ng prosecution upang sa gayon ay mabigyan ng leksyon ang suspek sa kanyang ginawa.

Nais kong pasalamatan si PO2 Reggie delos Reyes ng General Assignment Section ng Western Police District, Manila para sa kanyang tulong at suporta sa mga taong nangangailangan. Pinasasalamatan ko din sina Ex-O Ernesto Cinco at Brgy. Captain Fernando Tresorero ng Brgy. Sta. Lucia, Pasig City. Mabuhay kayong lahat.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: [email protected]

ALING PINING

BRGY

DAHIL

ELIZABETH

LEONORA

NAMAN

QUEZON CITY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with