Natuwa ang marami nang umaksyon ang Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) sa pangunguna ni Finance Secretary Margarito Teves. Bilang penalty sa katiwalian, PSALM forfeited the $14 million performance bond ng YNN Pacific Consortium na dummy ng Ranhill. Pero saglit lang ang tuwa dahil sa hindi maunawaang pangyayari, bigla na lang nagbigay ng extension na 30-araw ang PSALM para mabayaran ng YNN sa gobyerno ang $227.54 million na downpayment para sa 600-mw na Masinloc coal-fired plant sa Zambales. Dapat sana, binuksan uli for rebidding ang Masinloc, pero hindi. Ano ba iyan?!!
Para matapos mong parusahan ang isang kriminal, bibigyan mo ng bagong tsansa para gawin uli ang krimen. Ang performance bond ay paniguro ng gobyerno na kikita ito sa isang transaksyon. Kapag nabigo ang bidder na makatugon sa ibang requirement ng bentahan dahil sa ilang violations, itoy nagsisilbing penalty sa bumibili.
Walang probisyon sa kontrata ng PSALM at YNN para i-forfeit ang bond at kasabay niyan ay bigyan ng isa pang tsansa ang YNN na makatugon sa requirements sa bentahan. Anong klaseng patakaran iyan? Dapat mabatid ng gobyerno (o nagbubulagbulagan ito?) na interes ng publiko ang nakataya riyan. Ang balita ko, sumulat umano ang Prime Minister ng Malaysia sa Malacañang na tulungan ang Malaysian company na makapasok sa Masinloc sale. Ang ginawa ng PSALM ay pabor sa request ng Malaysian government kahit pa itoy labag sa kontrata at nakakaapekto sa interes ng publiko.
Ano ang karapatan ng isang lider ng ibang bansa na makialam sa mga transaksyong pangnegosyo sa Pilipinas? Panghihimasok iyan sa ating soberenya. At kung kukunsinti ang sino mang opisyal ng pamahalaan sa ganyang pakikialam ng dayuhan, katumbas iyan ng treason pa kataksilan sa Inang-Bansa.