Ang pagbigay ng tulong sa kapwang nangangaila- ngan ay isang pagkakawanggawa. Dangan nga lamang at ang pagkakawanggawa ay maaari ring abusuhin. Kapag ang itinulong sa kapwa ay higit pa sa kanilang inaasahang tulong, masasabi itong tunay na pagkakawanggawa. Ngunit kapag ang ibinigay na tulong ay kakarampot at hindi pa sapat sa kinakailangan ng tinutulungan, ito ay maituturing na limos.
Inaabuso natin ang pagkakawanggawa at paglilimos kapag ang mga ito ay ginawa natin bilang pakitang-tao lamang. At ganito ang sinasabi sa Ebanghelyo sa araw na ito tungkol sa limos, ganoon din tungkol sa pananalangin (Mateo 6:1-6):
"Pag-ingatan ninyo na huwag pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.
"Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung maglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginawa mo nang lihim.
"At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit ka-pag nananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginawa mo nang lihim."