Kapag nagawa ni Calderon ang mga bagay na ito, tiyak na siya na ang pinaka-mahusay na PNP chief mula nang maitatag ang organisasyon. Ang kaligtasan lamang naman ng mamamayan sa mga masasamang-loob ang dapat unahin at wala nang iba pa. Hindi naman uubra ang PNP sa pagwalis ng mga ilegal na sugal na kagaya ng jueteng kaya bakit pa mag-aaksaya ng panahon sa sugal na iyan. Pagbuhusan na lamang ng panahon ang pagbabantay sa mga lansangan para walang makalusot na masasamang loob. Kung laging may pulis sa lansangan, mababawasan ang mga malalagim na kaso ng pagpatay gaya nang pag-ambush. Isang halimbawa ay ang nangyaring pagpatay kay Isabela Mayor Delfinito Albano na tinambangan ng mga kalalakihan sa tapat ng isang restoran kamakailan. Kahit na nasa loob ng restaurant ay sinundan pa si Albano at pinagbabaril pa. Sinigurong patay ang mayor.
Walang nakarespondeng pulis sa nangyaring krimen. Isipin pang ang pinangyarihan ng pagpatay ay isang abalang lugar. Pagkatapos patayin ang mayor ay walang anumang tumakas ang mga salarin. Saka lamang nagdatingan ang mga pulis. Hanggang sa kasalukuyan, malabo pa at walang maaninag na pag-asa sa pagpatay kay Albano.
Walang pulis sa kalsada kaya madaling may naitutumba. Noong si Gen. Edgar Aglipay pa ang hepe ng PNP, binalak niyang ilabas sa kalsada ang mga pulis para maprotektahan ang mamamayan pero sa simula lamang nangyari ang ganoon. Ningas-kugon pala. Nang maupo si Gen. Arturo Lomibao lalo nang nawala ang mga pulis sa kalsada. Kaya naman nagpiyesta ang mga bank robbers, holdaper sa dyipni at FX, kidnapper, carjackers at marami pang masasamang-loob.
Sinabi kahapon ni General Calderon, na paiigtingin niya ang police visibility. Tingnan nga natin.