Nagsadya sa aming tanggapan si Bobby Mariano ng Bustos Bulacan upang humingi ng tulong hinggil sa kasong kanilang isinampa.
Magkaibigan ang mga biktimang sina Rosauro Mariano at Jayson Cruz. Ayon sa mga kaanak ng biktima, nakaugalian ng magbabarkadang ito na tuwing araw ng Sabado ay nagkikita sila para sa tinatawag nilang Sabado Night.
Ika-24 ng Hunyo nang magpunta ang magkaibigan Rosauro at Jayson sa Muzikhut Restobar sa Brgy. San Pedro, Bustos, Bulacan. Akala ng pamilya ng dalawa ay isa sa mga bahay lamang ng magkakaibigan mag-iinuman ang mga ito.
"Nakaugalian na nila na magkakasama sila tuwing araw ng Sabado pero noong maganap ang insidente nakarating na pala sila sa Muzikhut na isang videoke bar," sabi ni Bobby.
Masayang nagkakatahan sina Jayson at Rosauro sa nasabing Restobar. Samantala lingid sa dalawang magkaibigan na hindi sila nagugustuhan ng isang grupo ng mga kalalakihan na naroroon din. Nagkatinginan ang mga ito ng hindi maganda. Nagkapormahan umano at tangkang mapang-aabot ang mga ito.
"Naawat naman ang mga ito dahil may isang crew sa bar ang umawat sa kanila kaya napigilan ang posibleng kaguluhan doon," kuwento ni Bobby.
Madaling-araw ng ika-25 ng Hunyo 2006 nang maganap ang gulo sa bar. Ilang minuto ang nakalipas, napasya ang magkaibigan na umalis na sa lugar upang makaiwas na rin sa gulo. Sakay ng isang owner-type jeep umalis ang magkaibigan. Habang nasa daan ay nagpaalam si Rosauro kay Jayson na bababa muna siya upang umihi.
Hindi naman umano napansin ng dalawa na may isang tricycle ang nakasunod sa kanila. Tatlong lalaki umano ang sakay nito.
"Sinabihan pa nga raw ni Jayson si Rosauro na Bilisan mo pare! Nagulat na lamang si Jayson nang marinig nito ang kaibigan na nagsalita ng Aray! Bababa na sana siya ng sasakyan para tingnan ang kaibigan ng may tricycle na dumating," salaysay ni Bobby.
Nakilala naman agad ni Jayson ang mga sakay ng nasabing tricycle dahil ang mga ito ay ang mga lalaking nakaengkuwentro nila sa Muzikhut Restobar.
Samantala nakita na lang umano ni Jayson na pinagpapalo ng tubo si Rosauro. Bababa sana ng sasakyan noon si Jayson upang tulungan ang kaibigan subalit bigla na lamang umano din siyang pinalo ng isa sa mga suspek sa ulo. Dahil sa pagkakapalo sa kanya, nawalan umano ito ng malay.
"Mga bato at tubo ang gamit ng mga suspek nang pagpapaluin sila ng mga ito. Hindi na alam ni Jayson ang mga susunod na pangyayari matapos siyang mawalan ng malay. Nang magising siya nakita na lamang niya si Rosauro na duguan ito," kuwento ni Bobby.
Wala na umano ang mga suspek sa pinangyarihan ng krimen nang magising si Jayson. Marami na ring tao ang nakapaligid sa kanila. Agad namang dinala ni Jayson ang kaibigan sa Sto. Niño Hospital. Parehas na ginamot ang sagutang magkaibigan. Isang nurse sa nasabing ospital ang tumawag sa bahay ng magulang ni Jayson at ipinaalam ang pangyayari.
"Katulong ang nakatanggap ng tawag na agad din namang ipinaalam sa asawa ni Jayson, si Noemi. Nalaman na lamang ang nangyaring ito sa pamamagitan ni Manuel Santos na bilas ni Noemi at pinsan naman ng asawa ni Rosauro na si Lizette," sabi ni Bobby.
Hindi naman nag-aksaya pa ng oras ang kaanak ni Rosauro at nagpunta na ito sa ospital subalit dahil sa tinamong mga sugat mula sa pagkakabugbog kay Rosauro kinailangan itong ilipat ng ibang ospital.
"Dinala siya sa Our Lady of Mercy Hospital sa Pulilan, Bulacan si Rosauro subalit pagdating doon ay binawian na rin ito ng buhay," sabi ni Bobby.
Sa pangyayaring ito, inireport agad ng pamilya ni Rosauro ang nangyari sa himpilan ng pulisya. Nagsagawa naman agad ng imbestigasyon ang mga pulis. Nagpunta umano ang mga ito sa Muzikhut Restobar kung saan unang nagpunta ang magkaibigan at nakaengkuwentro ang mga suspek.
"Nagtanung-tanong ang mga pulis sa Muzikhut at dahil regular na kostumer na pala ang mga suspek ay nakilala na ang mga ito," sabi ni Bobby.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Isidro Pineda alyas Boy, Christopher Lopez alyas Toper at Renato Lopez alyas Ato na umanoy kamag-anak ng vice mayor ng Bustos, Bulacan na si Narding Santos.
Sa kautusan naman ni Bustos, Bulacan Mayor Carlito Reyes ay naaresto ang mga suspek na umanoy sumuko kay Vice Mayor Narding Santos. Kasong Homicide at Frustrated Homicide ang isinampa laban sa tatlong suspek.
"Nalulungkot lang kami dahil hindi murder ang isinampa laban sa mga suspek. Ang nais sana namin ay maikyat ito sa murder. Nakalaya din ang mga suspek dahil matapos maglabas ng resolution ang prosecutor na si Anna Maria Angel Garcia-Sibug na ang kaso ay dadaan muli ito sa preliminary investigation," pahayag ni Bobby.
Hangad ng pamilya ng mga biktima na mabigyan ng hustisya ang nangyaring ito. Umaasa sila na papaboran sila upang pagbayaran ng mga suspek ang krimen na kanilang ginawa.
Ang isang imbestigador na nag-iimbestiga ng kaso dapat, you go for the higher offense. Hindi totoong masasayang lamang ang pagpa-file ng kaso kung mada-downgrade lamang ito sa mas mababang kaso. Bakit hindi mo hayaang fiscal ang mag-downgrade ng kaso?
Umalis na ang mga biktima sa lugar na kung saan ay mapang-aabot sila ng mga suspek. Tricycle lamang ang dala ng suspek habang ang mga biktima ay sakay ng owner-type jeep. Kung hindi ito umihi at huminto hindi ito maaabutan ng isang tricycle. Ang patraydor na pagpalo ng suspek habang umihi ang biktima ay isa rin sa mga elemento para maging murder ang kaso.
Dapat siguro sa imbestigador ng kasong ito ay bumalik sa schooling para malaman nito na ang kasong dapat na isinampa dito ay murder dahil kitang-kita na lahat ng elemento ay para sa kasong murder at hindi homicide.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 0 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.