Hayan na naman siya si Manny Paquiao! Salamat Manny, sa mga sandali ng katahimikan, sa mga sandali ng pagbubuklod mo sa mga Pinoy sa panahon ng iyong laban. Hindi ako mahilig sa boksing. Pero hanga ako sa mga boksingerong tulad mo at ng iba pang manlalarong Pilipino na umaani ng tagumpay para sa ating bayan. Higit sa lahat, hanga ako sa iyo sapagkat sa mga sandali ng iyong tagumpay, kahit na ng mga pagsubok na dumadaan sa buhay mo, hindi mo nakakalimutang magpasalamat sa ating Panginoon at sa iyong mga kababayan.
Pinahanga mo rin, Manny, ang mga dayuhan. Nakita nila sa iyo ang kababaang-loob. Sa kabila ng iyong tagumpay, malugod mong niyakap at kinamayan ang iyong "kalaban," pag-uugali ng isang tunay na maginoo at tunay na "sport." At maging iyong katunggali ay humanga rin sa iyo sa iyong katapangan at lakas ng kamao.
Kaya naman, Manny, ang hiling ng iyong kapwa-Pinoy, ipagpatuloy mo ang iyong magagandang gawain para sa iyong kapwa boksingero, mga manlalarong Pilipino. Ipagpatuloy mo rin ang pagka-kawang-gawa mo sa iyong mahihirap na kababayan. Ipagpatuloy mo rin ang iyong panawagan sa mga kababayan natin na harapin ang mga gampanin na pangkapayapaan. At higit sa lahat, ipagpatuloy mo ang iyong laging pagtawag at pasasalamat sa ating Panginoon.
Mabuhay ka, Manny! Mabuhay din kayo Gerry Peñalosa, Cesar Amonsot at Jimrex Jaca. Iwinagayway na naman ninyo ng taas-noo ang bandila ng Pilipinas!