Sabi pa niya hindi raw magiging mahirap para sa media na gandahan ang projection ng bansa at mas makakatulong daw ang magagandang mga balita gaya ng mga proyektong naisagawa ng gobyerno.
Lubos talaga akong nagtataka kung ano ang meron sa Malacañang sa pamumuno ni Madam Senyora Donya Gloria at nahahawa silang lahat ng kahibangan.
Una riyan ay si Presidential Spokesman Ignacio "Toting" Bunye na dati-rati ay kagalang-galang at respetado pero biglang nagbago at ngayon ay mas kilala sa mamang "I HAVE TWO DISCS."
Sumunod naman sa kanya si Presidential Chief of Staff Mike Defensor na buong akala ko ay puno ng idealismo pero ngayon ay "Most Promising Official" sa dami ng pinapangakuan at binitiwang pangako.
Si Executive Secretary Eduardo Ermita naman ay marami ang bilib na bilib, pero ididiin ko, dati yon.
Ngayon naman ay si Peter Favila. Nasa Philippine National Bank na siya ay inaasahang aangat siya dahil nakikita ang kanyang kagalingan. Marami ang nagulat nang sumama siya sa Gabinete ni Madam Senyora Donya Gloria pero umaasa ang karamihan na mabibigyan niya ng balanseng pananaw ang administrasyon.
Laking pagkakamali ko, kinain na siya ng sistema at ngayon ay nag-aanimong editor pa siya na gustong pakialaman ang media.
Sasabihin pa niyang ayaw daw ng media na talakayin ang pagharap sa responsibilidad. Puwes, ang inyong lingkod ho ay handa anytime na panindigan ang aking pananaw.
Peter, hanggang may katiwalian sa gobyerno ay trabaho ng media na ilathala ito. Hanggang may kalokohan kayong ginagawa o kapalpakan kayong hindi naisasaayos ay responsibilidad ng media na ilabas ito.
Obligasyon ng media na ilabas ang katotohanan kahit na pinagpapapatay ang marami sa aming mga kasamahan. Kung mananahimik ang media, lalong maghahari ang mga katiwalian na ayaw harapin ng administrasyon.
Ikaw Ginoong Peter Favila at mga kasamahan mo ang sana mauntog at tigilan ang patuloy na panloloko nyo sa sambayanang Pilipino. Huwag nyong ipagpilitan na umuunlad ang ating ekonomiya dahil ang tanging umuunlad lang ay ang bulsa ng mga corrupt na opisyal. Sana Ginoong Favila hindi ka pa kasali rito.
Anyway, tantanan nyo rin ang pagbibintang sa media at kritiko ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria ang hindi pagpasok ng mga investors sa Pilipinas at patuloy na pagkawalang tiwala sa administrasyong ito.
Hindi ho kami ang tumawag kay dating Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano. Umamin na ho si Madam Senyora Donya Gloria na siya ang tumawag bagamat "lapse of judgement daw." Peter, paanong lapse of judgement e mahigit 10 beses siyang tumawag.
Siyanga pala, bukas ho ay birthday ni Garcillano pero hindi kagaya ng selebrasyon ng kanyang kaarawan noong nakaraang taon ay wala ang mga heneral at maraming maraming bodyguard. Hindi na raw siya kailangan, wala na siyang silbi. Nagamit na in short.
Hindi rin ho media ang involve sa fertilizer scam ni Jocjoc Bolante na appointee ni Madam Senyora Donya Gloria at kasamahan ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo sa Rotary Club of Makati.
Wala rin hong kinalaman ang media sa sunud-sunod na pagpaslang sa mga cause oriented personalities samantalang ang tanging kinalaman ng media sa mga patayan ay marami ho sa amin ang napapatay. Tiyak namang hindi suicide ang mga yan.
Hindi rin media ang nagpagawa ng bailey bridges na iba-iba ang haba at lawak pero iisa ang presyo at lalong wala kaming kinalaman sa Diosdado Macapagal Highway, ang pinakamahal na tulay sa buong mundo.
Wala ring kinalaman ang media sa bank account ni Jose Pidal na binulgar ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson at lalong hindi kami involve sa pagdadala ng mahiwagang bag papuntang Hong Kong at ng bank account sa Coots Bank o ang five feet tall vault na dineliver diyan sa Makati ng isang super lapit sa Malacañang na Ginoo.
Mukhang nahawa ka na ng tuluyan Ginoong Favila dahil ultimo ang mga insidente ng carjacking, kidnapping, murder at iba pang krimen ay hindi naman media ang may gawa kung hindi mga kriminal na protektado ng mga pulis at military pero ayaw bitayin ni Madam Senyora Donya Gloria.
Ginoong Favila pati paghihirap ng Pilipino, pagbagsak ng dolyar, kakulangan sa trabaho, laganap na corruption, dayaan sa election, red tape sa administrasyon ay hindi kasalanan ng media.
Ang tanging kasalanan namin, kung maituturing itong kasalanan ay isiwalat ang katotohanan pero kayo ang kasalanan nyo ay ang patuloy ninyong hindi pagkilos laban sa katiwalian. Tandaan nyo, ang hindi pag-imik sa isang kabulukan ay pangungunsinti at nangangahulugang kasali kayo.