Ang usapin ng paghahatag ng parusang kamatayan ay napaka-sensitibong bagay kaya nga kinakailangan pa itong rebyuhin at bawiin o baligtarin ng Kataas-taasang Hukuman kung kinakailangan upang kung may pagkakamali ang Korteng humawak sa kaso maituwid ito at i-reverse lalo na kung kinakitaan ng bahid ng pag-aalinlangan. Alam ng lahat ng mga nag-aral ng batas na dapat ay walang bahid ni katiting mang pagdududa sa panig ng hukom bago hatulan ng "guilty verdict" ang isang nasasakdal.
Ngayon, kung totoong nagkamali nga ang Mataas na Hukuman sa pagpapabitay kay Echagaray, idadaan na lamang ba ito sa "I, am, sorry " at pagkatapos ay tuloy pa rin ang ligaya? Dapat siguro ay mag-resign ang lahat ng mga mahistrado na naging bahagi sa pagpapatupad ng nasabing hatol. Nakakahiya at isang halimbawa ito ng "gross incompetence of the highest order" para sa isang lingkod ng pamahalaan. Oo, alam nating tao din lang ang ating mga mahistrado at maaari rin namang magkamali. Subalit hindi sa mga bagay na may kinalaman sa buhay at kamatayan ng isang mamamayan lalo na sa kinabukasan ng bayan. Maaaring magkamali ngunit hindi sa mga bagay na ikapapahamak ng sinuman o ng bansa katulad ng pagkakamaling nagawa ng ating Mataas na Hukuman sa ginawang legalisasyon sa pagkakaagaw ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo sa posisyon ng Panguluhan mula kay dating Pangulong Estrada.
Mas hahangaan ko pa sana at mulit-muling papupurihan ang ating Korte Suprema kung ang inamin nito sa madla ay ang deliberate na pagkakamali nito sa pag-imbento ng "constructive resignation" ni Pangulong Estrada para lamang iupo si Mrs. Arroyo.