Dahil sa mga sunud-sunod na krimen hindi nakapagtataka kung marami sa mamamayan ang mangamba at matakot nang lumabas ng kanilang tahanan pagsapit ng gabi. Paanoy hindi nila alam kung sa paglabas nila ng bahay ay nakaabang na ang masasamang-loob na sa kanilay tatambang, kikidnap, hoholdap, dudukot at mang-iisnatch. Kung mangyari iyon, wala ka namang matawag na pulis para hingian ng tulong.
Laganap ang patayan at isa sa mga naging biktima ng karumal-dumal na pagpatay ay si Ilagan, Isabela Mayor Delfinito Albano. Tinambangan si Albano ng tatlong lalaki sa harapan ng isang restaurant sa corner ng Scout Santiago at Dr. Lascano Sts., Bgy. Laging Handa, Quezon City. Nakatakbo sa restaurant si Albano pero sinundan pa siya at saka sunud-sunod na binaril. Sinigurong hindi mabubuhay si Albano sa dami ng balang tinamo sa mga suspect. Pulitika ang sinasabing dahilan ng pagpatay kay Albano. Nasaan ang mga pulis?
Bago pa ang pagpatay kay Albano, marami nang pagpatay ang nangyayari, hindi laman sa Metro Manila kundi pati na sa lalawigan. Sunud-sunod ang mga pagpatay na ginawa sa mga militanteng lider. Kamakalawa tatlong aktibistang estudyante mula sa University of the Philippines ang dinukot ng mga maskaradong lalaki. Mga sundalo ang dumukot sa tatlo subalit agad namang pinabulaanan ng military.
Ang pagpatay sa mayor at mga militanteng lider at mga pagdukot ay malinaw na katotohanan na wala nang kinatatakutan ang mga masasamang-loob. Nakapagpalakas sa kanilang loob ang mahinang kampanya ng pulisya laban sa krimen. Kung pinaiiral ang police visibility sa anumang oras sa maraming lugar lalo sa Metro Manila, hindi tataas ang krimen. At ngayong tuluyan nang binasura ni President Arroyo ang death penalty, pinangangambahan na lalo pang aalagwa ang pagtaas ng krimen.
Paigtingin ng PNP ang pagbabantay at pagbibigay ng seguridad sa mamamayan para mapanatag ang kanilang kalooban.