Para sa kaalaman ni Padaca, ang kapitalista ng jueteng sa kanyang probinsiya ay si Tony Ong, ang kaibigang matalik ni whistleblower Wilfredo Boy Mayor. Si Ong rin ang bangka ng jueteng sa Albay. Ang management naman ni Tony Ong sa Isabela ay sina Mike Borja at Danny Soriano. Ang management Gov. Padaca Mam ay yaong in-charge sa tinatawag sa kalye na lingguhang intelihensiya. Kaya siguro hindi makaimik si Padaca laban sa jueteng ni Tony Ong dahil ito palang si Danny Soriano ay kapatid ni Chief Supt. Jefferson Soriano, ang director ng PRO2. Di ba si Danny Soriano rin ang nasa likod ng jueteng sa Cagayan? Kaya kung tiba-tiba si Padaca sa jueteng ni Tony Ong, aba ganun na rin ang naramdaman ni Gen. Soriano nga. At tiyak walang kapulisan na mangahas na salakayin itong jueteng ni Danny dahil sa takot nila kay Gen. Soriano, na maugong na lilipat sa PRO1 o sa CIDG sa Camp Crame, di ba mga suki? He-he-he! Happy sa ngayon si Soriano brothers.
Kung sabagay, hindi lang naman sa Isabela namamayagpag ang jueteng kundi sa iba pang bahagi ng bansa. Halimbawa sa Nueva Viscaya sa kaharian ni Gov. Cuaresma, wala ring tigil ang jueteng ni Alex Mauricio. Hindi lang si Cuaresma ang nakikinabang sa jueteng ni Mauricio kundi maging si Vice Gov. Gambito, anang kausap ko. Hindi rin puwedeng iiwas natin si Nueva Viscaya provincial director Col. Damaso. At bakit tahimik na sa ngayon itong si Bishop Villena laban sa jueteng sa Nueva Viscaya at Isabela. Wala rin palang pinagkaiba si Villena kay Lingayen-Dagupan Arch. Oscar Cruz, ng Krusada ng Bayan Kontra sa Jueteng, di ba mga suki? Kung noon, tumatalsik ang laway nina Cruz at Villena laban sa jueteng, sa ngayon ni ho ni ha ay wala tayong marinig sa kanila. Nakikinabang na itong sina Cruz at Villena? Tanong lang po!
Kung tuloy ang jueteng nina Tony Ong at Alex Mauricio, aba ganun na rin ang jueteng nina Peping Bildan sa Zambales, Bebot Roxas sa Tarlac, Tony Carpio sa Camarines Norte, Bong Villafuerte sa Camarines Sur, Charing Magbuhos sa Quezon, at Boy Bata, Luding Bongaling, Anton Lee, Bong Cayabyab at Roland Villegas sa Pangasinan.
Kailan kaya kikilos ang kapulisan natin laban sa jueteng? Sa kasagsagan kaya ng 2nd impeachment laban kay Pres. Arroyo? Abangan!