Kamakailan ay pinapurihan ko ang Korte Suprema sa naging desisyon nito kaugnay ng mga usaping CPR, PP 1017 at EO 464. Pinapurihan ko sapagkat naibalik ng mga mahistrado ang tiwala ng mamamayan sa hudikatura bilang huling tanggulan ng katarungan.
Subalit ano itong sinasabi ni Chief Justice Artemio Panganiban? Hindi ba niya nalalaman o naisip man lang ang negatibong epekto ng kanyang naging pahayag na maaaring tuluyang magpaguho sa nalalabing respeto ng mamamayan sa ating justice system? Para sa isang Punong Mahistrado at ikatlong may pinakamataas na katungkulan sa bansa, ang magpahayag ng ganoong uri ng opinion ay hindi nakakatulong, kapwa sa institusyong hudikatura at sa mamamayan, bagkus ay lalo pang nagpahina sa mabuway nang haligi ng katarungan sa bansa na pinapalala ng kawalang-tiwala ng sambayanan.
Alam ko na itoy maaring laro lamang o pakana sa bahagi ng administrasyong Arroyo upang bigyang katwiran ang ginawang paglusaw sa parusang bitay at nang sa ganoon ay makumbinsi ang taumbayan na tama ang ginawa niyang hakbang. Subalit maaari namang magbanggit ng iba pang mga halimbawa upang patunayan na walang silbi ang parusang bitay sapagkat hindi ito ganap na nakatulong upang mapigilan ang paglaganap ng karumal-dumal na krimen kung iyon ang nais nilang ipabatid na mensahe. Ngunit ang sabihing nagkamali ang mataas na hukuman ay lubhang nakababahala at nakapanghihina ng kalooban lalo na at ang naging biktima ay isang ordinaryong mamamayan lamang. Hindi ba itoy isang uri ng destabilisasyon sa gobyerno na mismong ang administrasyon ang may pakana?
Kung totoo ngang nagkamali ang Mataas na Hukuman, hindi na dapat pang sinabi sa publiko sa halip ay (idinaan na lamang ang pagtutuwid sa nakagawiang tradisyon) tulad ng nakagawiang tradisyon sa proseso ng pagtutuwid ng mga maling naging desisyon ng Korte Suprema, binawi na lamang sana ito sa pamamagitan ng pagbaligtad sa mga naunang desisyon sa susunod na mga kahalintulad na kaso. Ang mabigat kasi rito ay ang katotohanang lahat ng desisyon ng Mataas na Hukuman, lalo na kung walang nasasaad sa Saligang Batas na maaaring maging batayan, ay awtomatikong nagiging bahagi ng batas ng ating bansa at ginagamit na jurisprudential basis or precedence sa pagdedesisyon sa mga kahalintulad na kaso.