Anomalya sa Poro Point

AKALA ko ba’y isa sa mga layunin ng gobyerno ay sugpuin ang monopolyo sa mga negosyo? Kung seryoso ang pamahalaan sa layuning iyan, silipin sana ang operasyon ng Poro Point sa San Fernando, La Union na ngayo’y nasa pangangasiwa ng Bulk Handlers Incorporated.

Maraming negosyante ang nagrereklamo sa operasyon ng nabanggit na pantalan na dating base militar ng Amerika. Noong 1999, sa panahon ng panunungkulan ni President Estrada, na-award ang kontrata para i-operate ang daungan sa isang sinasabing "Erap crony".

Ok sana kung ang layunin ay lumikha ng special economic zone kasama ang maraming hanapbuhay na makapagpapasigla sa ekonomiya ng rehiyon. Pero galit at nagpoprotesta ang ibang lokal na negosyante. Hindi raw patas ang laban. Ang Bulk Handlers Inc. (BHI)na siyang operator ng seaport ay masyadong kinokopo ang operasyon ng daungan. Ang may-ari ng BHI ay isa umanong Manny Tan" na kilala ring may negosyo sa paggawa at pamamahagi ng fertilizer.

Dalawampu’t limang taon
ang kontrata ng BHI na nilagdaan sa pamahalaan nung panahon ni Estrada. Pero ang mga probisyon ng kanilang kontrata ay under litigation. Kinuwestyon ng ibang negosyante sa korte porke hindi na nila diumano mapakinabangan. Bago pumasok ang BHI. Napapakinabangan ng husto ng ibang negosyante ang daungang ito.

Bago umentra ang BHI, may lima pang grupo na nakagagamit sa daungan sa pagdadala ng kanilang fertilizers para sa regions 1 and 2. Pero ano ang ginawa ng BHI? Biglang tinaasan ang singil sa ibang negosyanteng gustong gumamit sa naturang seaport.

Dahil sa pangyayaring ito, napilitan ang mga negosyante na abandonahin ang kanilang ne-gosyo sa fertilizer. Ergo, kontrolado na ng BHI ang negosyong fertlizer sa dalawang rehiyon pati na sa Cordillera. Kay sagwang sistema. Hindi iyan ang ideya natin sa patas na kompitensya sa negosyo.

Tubong lugaw ang BHI. Walang ginastos ni kusing para i-upgrade ang seaport pero ito ngayon ang may kontrol sa operasyon ng daungan. Nang mapasakamay ng BHI ang Poro Point, kumpletos-rekados ito. Served on a silver platter. ‘ika nga. Suwerte naman ng may operator na ito!

Show comments