Laganap ang korapsiyon kaya naglaan ang gobyerno ng P1-bilyon para labanan ito. Ang talamak na korapsiyon ang inirereklamo ng mga foreign investors. Nagbanta noon ang mga Amerikanong negosyante na aalisin ang kanilang negosyo rito sa Pilipinas kapag hindi naputol ang korapsyon.
Ang Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue ang nangunguna sa mga korap na ahensiya ng pamahalaan. Ang Armed Forces of the Philippines ay korap na rin. Ilang heneral na ang nasangkot sa mga anomalya. Marami ang nakapagpundar ng mga ari-arian, mga negosyo, malapalasyong tahanan at magagarang sasakyan. Isa sa mga nasampolan ay si retired AFP Major General Carlos Garcia na patung-patong na kaso ang hinaharap.
Hindi na mabilang ang nagpayaman sa pangungurakot at patuloy na nananagana at malayang nakapamumuhay. Marami ang may mga anak na pinag-aaral pa sa abroad.
Ang panibagong kampanya laban sa mga korap ay hindi sana mauwi sa ningas-kugon.