Aloysius Gonzaga, S.J.

SI Aloysius Gonzaga ay ipinanganak sa isang mayamang pamilya sa Castiglione, Italy. Sa murang gulang ay tinuruan siya ng kanyang ina ng mga bagay-bagay tungkol sa relihiyon at kabanalan. Kung kaya sa batang edad ay nagkahilig na siyang maging pari.

Bago sumapit ang takdang panahon ng kanyang pagpasok upang maging pari, legal na ibinigay ni Aloysius sa kanyang kapatid na lalaki ang lahat ng kanyang mga mamanahin mula sa kanilang mga magulang. At pagkatapos, pumasok siya sa Kapisanan ni Jesus (mga Heswita).

Habang pinaglilingkuran niya ang mga maysakit sa panahon ng isang salot, siya mismo ay nagkasakit mula sa salot. Siya ay namatay noong 1591 sa gulang na 23.

Si Aloysius ay isa sa mga batang santo ng Simbahan. At isa sa binabasa sa pagdaraos ng kanyang kapistahan (ngayong Hunyo 21) ay ang kanyang mismong sulat sa minamahal niyang ina. Nakatala sa naturang sulat ang paalaala niya sa kanyang ina na "ingatang huwag insultuhin ang walang-hanggang mapagmahal na kabaitan ng Diyos" sa pamamagitan ng pagluluksa sa isang yumao na animo’y patay, gayong buhay na buhay at kaharap ng Diyos.

Para kay San Aloysius, ninais niya na ang kanyang pamilya ay magkaroon ng galak at ituring na isang pabor ang kanyang pagyao "upang makatawid sa tubig hanggang sa marating niya ang baybay na kung saan lahat ng pag-asa ay nabibilang." Para sa kanya, mas mabisa niyang matutulungan sa pamamagitan ng panalangin ang mga nasa lupa pa; na ang kanilang paghihiwalay ay panandalian lamang, sapagkat magkikita silang muli sa langit na kung saan sila’y magbibigay ng walang-hanggang pagpupuri sa Diyos at magtatamasa ng walang-hanggang kaligayahan.

San Aloysius, ipanalangin mo kami!

Show comments