Noong January 12 -13, 1997, isinagawa ang pagbasa ng exhaust air balancing sa ika-lima at ika-anim na palapag ng hotel ng isang air-conditioning firm (CII), kung saan si Tino ang namahala rito. Pagkatapos ng CII, isinumite nito ang report kay Tino. Tinanggap ni Tino ang report at agad itong pinirmahan nang hindi man lamang nagpunta sa work area at inalam ang kalidad ng trabaho ng CII para masabing tama ang hawak na report. Kaya, nang suriin ng engineer ng ACI ang natapos na trabaho, natuklasan nitong hindi tama ang pagkakagawa sa apat na kuwarto sa ika-limang palapag at sa limang kuwarto sa ika-anim na palapag. Makalipas ang dalawang araw mula nang isumite ang report, hiniling ng ACI na magbigay ng paliwanag si Tino. Ayon kay Tino, pumirma lamang siya sa report bilang patunay na natanggap nga niya ito. Subalit ang dahilang ito ay hindi naging sapat sa ACI, kaya inatasan nito ang personnel officer na ipaalam kay Tino na tinatapos na ang serbisyo nito bilang electrical engineer ng hotel kung saan makukuha rin nito ang dalawang linggong suweldo.
Humingi ng tulong si Tino sa DOLE kung saan pinayuhan siyang magpatuloy na pumasok sa trabaho dahil hindi naman siya binigyan ng kompanya ng notice of termination. Subalit ayon sa personel officer, hindi na maaaring pumasok pa si Tino. Kaya, nagsampa si Tino ng reklamong illegal dismissal laban sa ACI. Bilang depensa ng ACI, hindi raw nagampanan ni Tino ang hinihinging standards ng kanyang trabaho para siya maging regular na empleyado. Subalit iginiit ni Tino na hindi naman daw ipinaalam sa kanya ng ACI ang tinatawag na reasonable standards na naaayon sa batas (Article 281, Labor Code) at ang implementing rules nito (Book VI Rule I section 6). Tama ba si Tino?
Maaaring tama si Tino na dapat sana ay ipinaalam sa kanya ng ACI ang hinihinging standards ng kanyang trabaho sa simula pa lamang para malaman kung siya ay magiging isang regular na empleyado. Gayunpaman, hindi ito sapat na dahilan upang mapawalang-sala ang isang probationary employee tulad ni Tino na walang sapat na kaalaman at sintido kumon sa pagganap sa simpleng gawain. Kahit na hindi dalubhasa si Tino sa air exhaust balancing, kinakailangan pa rin niya ang sapat na pag-iingat at pagpapasya sa pagtanggap ng report mula sa CII. Dapat sana ay pinuntahan at inalam niya kung naging wasto ang trabaho ng manggagawa ng CII. At dahil nagpabaya si Tino, hindi na siya maaaring maging regular na empleyado pa ng hotel.
Gayunpaman, makakatanggap si Tino ng P30,000 bilang nominal damages mula sa hotel dahil hindi siya nabigyan ng notice of termination bago siya tinanggal sa serbisyo (Aberdeen Court, Inc. vs. Agustin, Jr. G.R. 149371, April 13, 2005. 456 SCRA 32).