Kumi-kickback din sa executive at judiciary. Binabali ng opisyal ang mga alituntunin ng bidding. Pinaaayon sa pinapaborang kumpanya. Pati supply ng lapis o basurahan, pinapatulan.
Maraming paraan ng pagbali at pagpabor. Maaring sa simula pa lang, sa paglista ng specifications, inaayon na sa produkto o serbisyo ng kumpanya. Halimbawa nito yung in-expose ko sa Army nung 2000 na night vision goggles na 5-1/2 inches lang ang lapad imbis na karaniwang 6 inches, para ma-shoot sa supply ng isang kumpanya sa India.
Maari ding papanalunin sa bidding ang pinapaborang kumpanya miski kapos ang puhunan o karanasan. Kapag na-award na ang kontrata, saka ito babaguhin at papipirmahin ang mga sinusuhulang opisyales. Pinapataas ang contract price o kaya binabawasan ang trabaho. Sina-subcontract o joint venture din sa mga kumpanyang may kapital at karanasan. Ito ang sapin-saping ginawa ng Piatco sa NAIA Terminal-3.
Merong opisyales na tahasang ninanakaw ang supplies, mula gamot sa ospital, damit na donasyon para sa biktima ng sakuna o sasakyan. Ilang daang kotse ng national at local agencies ang nakagarahe hangga ngayon sa mga dating meyor o retiradong opisyales.
Siyempre, binabawi ng nanunuhol na kumpanya ang kickback sa ibat-ibang paraan. Nininipisan ang aspalto sa highway o ino-overprice ang kontrata. Sa huli, bayan ang kawawa.