Ang alugbati at pili

SA mga bakuran sa mga probinsiya kapuna-puna na marami silang nakatanim na alugbati na sinasabing napakayaman sa calcium. Tulad ng okra at saluyot. Masarap isahog sa mga nilulutong ulam ang alugbati. Sa Kabisayaan, ang mga putaheng inihahain ay may sahog na alugbati. Minsang magbakasyon ako sa Iloilo ay natikman ko ang napakasarap na munggo na maraming isinahog na alugbati.

May dalawang klase ang alugbati ang pula at berde ang dahon. Tumutubo ang alugbati sa buhaghag at mamasa-masang lupa.

Gamot din ang alugbati. Nilalagay ang dahon nito para inumin ng mga sumasakit ang tiyan, tinitibi at may masakit na pagreregla. Dahil nga sa maraming taglay na mineral at bitamina, ito’y isinasahog sa lugaw para ipakain sa mga babaing bagong panganak para sila’y lumakas.
* * *
Ang punongkahoy na pili ay sa Kabikulan lang tumutubo bagama’t may mangilan-ngilang tumutubo sa Quezon.

Marami ang nawiwiling kumain ng pili nuts at minatamis na pili. Kapag may nagpunta sa Bikol inaasahan ang ipasasalubong sa mga mahal sa buhay ay pili.

Malaking pagkakitaan ang pili na ini-export na rin.

Ang pili ay tumutubo sa mga mabuhanging lupa. Mas malago at mataba ang mga nakatanim sa volcanic soil.

Ayon sa mga Bikolano, mas matatamis ang pili na inaani sa lugar na malapit sa Mayon Volcano. Napag-alaman din na ang babaing pili ang namumunga.

Show comments