EDITORYAL — Mga Pilipino patuloy sa paglobo dahil di-naipaplano

AYON sa World Fact Book, estimate nila ngayong July 2006 aabot na sa 89,468,677 ang populasyon ng mga Pilipino. Ang bigat nito! At sa kabila nang patuloy na paglobo, walang seryosong hakbang na ginagawa ang Arroyo administration para mapigilan ang pagdami ng mga Pilipino. Patuloy sa pag-manufacture ng mga bata ang mga mag-asawa. At kadalasang sa mga mahihirap na lugar makikita ang mga sandamukal na bata.

Ang pagdami ng populasyon ay tuwirang maisisisi sa gobyerno. Kung kumikilos ang gobyerno para mabigyan nang edukasyon ang mga mag-asawa hinggil sa pagpaplano ng pamilya, hindi lolobo ang mga Pilipino. Kulang sa pagma-manage ng populasyon ang mga namumuno. At dahil patuloy ang pagdami, ang resulta nito ay ang lalo pang kahirapang kahaharapin ng bansa.

Ang kawalan ng pagsisikap ng kasalukuyang gobyerno ukol sa population management ay lumutang sa isang pag-aaral na isinagawa ng Asia Pacific Policy Center. Ang problema sa population ay ipinapasa lamang ng national government sa local government. At wala namang ginagawang seryosong aksiyon ang local government kapag ipinasa na sa kanila.

Ayon sa pag-aaral, mas na-manage nang husto ang populasyon noong panahon ni dating President Marcos pero biglang namatay makaraang mag-takeover si President Cory. Nang maging Presidente si Fidel Ramos, binigyan ng kaunting pansin ang population at ganoon din naman ni dating President Estrada. Nang si President Arroyo na ang mamuno noong 2001 nawala na ang isyu sa population management.

Binanggit sa pag-aaral na magkapareho ang Pilipinas at Thailand na nakapag-manage ng populasyon noong dekada 70. May yearly rate na 3.08 percent ang Pilipinas samantalang 2.74 percent naman ang Thailand. Makalipas ang tatlong dekada na-reduced ng Thailand ang kanilang population growth rate ng 1.11 percent. Ang populasyon ng Thailand ngayong 2006 ay 64,631,599. Mas mababa kaysa Pilipinas. Marunong silang mamahala hindi katulad sa Pilipinas.

Tama lamang na sabihin na walang pagsisikap ang gobyerno para makagawa ng solusyon para hindi lomobo ang populasyon. Pawang pulitika lang ba ang alam? Pawang pagsangga sa batikos ang inuuna? Problema ang malaking populasyon sapagkat malaki rin ang gastos. At kung pawang gastos, wala nang maibibigay na serbisyo sa taumbayan. Iplano ang populasyon nang mabawasan ang paghihirap ng sambayanan.

Show comments