^

PSN Opinyon

‘Puso ang tama...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
(Patayan sa parking lot) - Part I
MAGKAKAROON kami ng talakayan sa aming radio program, ang HUSTISYA PARA SA LAHAT kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez at ang inyong lingkod tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band. Mainit na pag-uusapan ang tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 R.A 9344 na ginawa ni Senator Francis Pangilinan. Marami kaming mga reaksyon ang natanggap at binabatikos ang nasabing batas na ito. Bukas ang aming linya at maaari kayong sumali sa aming diskusyon.

Para naman sa feature article sa araw na ito isang kasong mga pulis na naman ang sangkot ang inyong matutunghayan. Sino pa kaya ang magtatanggol sa sambayanan kung ang ilan sa ating mga kapulisan ang pumapaslang sa wala namang kalaban-laban na indibidwal? Sila na dapat na promotekta sa atin ay sila pa ang pinagmumulan ng gulo hanggang sa mauwi sa isang trahedya.

Nagsadya sa aming tanggapan si Ann Ruth Gochingco ng Quezon City upang humingi ng tulong hinggil sa kasong isinampa nito laban sa dalawang magkapatid na pulis.

Maayos at tahimik ang pamumuhay ng mga Gochingco. Sa loob ng siyam na taon naging magkasintahan sina Ann Ruth at ang biktimnang si Patrick James hanggang sa magdesisyon na itong magpakasal.

Parehas na abala ang mag-asawa sa kani-kanilang mga trabaho kaya naman ang nag-iisa nilang anak ay naiiwan sa kanilang katulong.

"Madalas ay gabi na kaming nakakauwi sa bahay dahil maghapon kami sa opisina. Station manager ang asawa ko sa isang gasoline station habang ako naman ay sa isang bangko nagtatrabaho," kuwento ni Ann Ruth.

Araw-araw sinusundo umano ni Patrick si Ann Ruth sa kanyang opisina at sabay na silang uuwi ng bahay. Tuwing araw ng Biyernes naman ay naging ugali na ng mag-asawa ang kumain sa labas.

Ika-2 ng Abril 2005 bandang alas-2 ng madaling araw naganap ang insidente sa 3rd St., Bitoon Circle, Commonwealth, Quezon City naganap ang insidente. Kauuwi lamang ng mag-asawa noong araw na ‘yon.

"Pasado ala-una na ng madaling noong dumating kami sa bahay. Gumigimik kami at magkasama kaming nagdi-dinner sa labas. Tutal naman walang pasok kinabukasan kaya madalas ganoong oras na kami umuuwi kapag Friday," sabi ni Ann Ruth.

Kasalukuyan namang nag-iinuman umano ang magkapatid na suspek na sina PO1 Georlando at PO1 Ariel Guadania kasama pa ang iba sa isang treehouse. Ang magkapatid na ito ay kapwa umanong naka-assign sa RSHG, Cam Vicente Lim, Canlubang, Laguna.

"Nauna na ako noong pumasok habang ang asawa ko naman ay naghahanap pa ng paparadahan ng sasakyan namin. Naiparada niya ang sasakyan namin pero ang hindi niya alam ayaw pala siyang paparadahin ng mga suspek doon," sabi ni Ann Ruth.

Nang makita umano ito ni Georlando ay hindi naman ito nag-atubiling sitahin ito sa pamamagitan ng pagsigaw at sinabihang bawal pumarada sa puwestong nais nitong paradahan. Subalit hindi ito narinig ng biktima sapagkat saradong lahat ang mga bintana ng sasakyan nito at kasalukuyan ding nakikipag-usap pa sa kanyang cellular phone. Bukod dito ay tatlong beses umanong binomba ng biktima ang kanyang sasakyan.

Sa pahayag ni Edmon Agramon, isa sa mga nakasaksi sa nangyaring insidente na kasalukuyan din itong nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa isang tindahan. Nakita umano nitong nagmamadaling bumaba sa treehouse ang magkapatid na pulis. Nagmamadaling umuwi ng bahay si Georlando habang si Ariel naman ay nagbabantay umano sa labas.

"Hindi naman daw nagtagal ay mabilis na lumabas ng bahay si Georlando bitbit umano nito ang isang baby armalite at kasabay nito ay bumunot din ng baril si Ariel na isang .45 kalibre mula sa kanyang baywang," salaysay ni Ann Ruth.

Lumapit umano ang magkapatid na pulis sa sasakyan ni Patrick James habang ang grupo ng isa sa mga testigo ay nagsipagtabi dahil na rin sa takot na maaaring mangyari. Habang nakikipag-usap sa telepono ang biktima nagulat na lamang umano ito nang puwersahang buksan ni Georlando ang pintuan ng kotse nito.

"Hinatak daw nitong si Georlando ang asawa ko palabas sa kotse habang ang kapatid naman nitong si Ariel ay nakasuporta sa bandang likuran. Nakatutok din ang baril nito sa bandang likuran ni Patrick James. Nagulat ang asawa ko sa ginawa ng suspek," sabi ni Ann Ruth.

Napunit pa umano ang damit ng biktima dahil sa lakas ng pagkakahila ng suspek at nang makalabas na ito ay agad na tinututok ni Georlando ang kanyang baril kay Patrick James.

"Galit na galit daw si Georlando sa asawa ko nang mga oras na ‘yon kaya naman sa takot ng asawa ko na tuluyan siyang barilin ay nagmakaawa pa ito at itinaas pa ang dalawang kamay," pahayag ni Ann Ruth.

Abangan sa Lunes ang mga susunod na pangyayari dito lamang sa CALVENTO FILES sa PS.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

ANN

ANN RUTH

ASAWA

GEORLANDO

NAMAN

PATRICK JAMES

RUTH

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with