Sa pagkakasuspende ng operasyon ng Lafayette noong nakaraang taon, marami ang nag-akala na hindi na ito makapag-ooperate dahil sa illegal discharge ng toxic mine wastes. Sa pagsuka ng toxic ng minahan, maraming isda ang namatay sa mga kalapit na ilog. Unang sumuka ng dumi ang Lafayette sa kanilang mill site noong Oct. 11, 2005 at muling naulit noong Oct. 31, 2005. Ang pagsuka ng nakalalasong dumi ng minahan ay tila apoy na kumalat sa buong bansa. Naalarma ang mga environmentalists. Nabagabag ang Simbahan at iba pang grupo na nagmamahal sa kalikasan. Marami ang nangamba na ang nangyaring trahedya sa Mariunduque ay maulit na naman sa Rapu-Rapu.
Sabi ni Marinduque Rep. Edmundo Reyes, makaraang pahintulutan ang Lafayette sa operasyon, "Kaawaan nawa tayo ng Diyos sapagkat hindi tayo marunong magtanda sa nagawang kamalian sa nakaraan."
Nangangamba si Rep. Reyes na ang nangyari sa kanyang lalawigan ay mangyari muli sa Rapu-Rapu. Ayon sa mambabatas, may nakapagsabi sa kanyang mga pinuno ng DENR na nasira na ang fishing ground doon makaraang sumuka ng dumi ang Lafayette noong nakaraang taon. Delikado ang kapaligiran na unti-unti nang nasisira.
Nakita ni Rep. Reyes ang masamang nangyari sa kanyang lalawigan, 10 taon na ang nakararaan kung saan, sinira ng Marcopper Mining Co. ang Boac River makaraang sukahan nang nakalalasong toxic. Namatay ang ilog at nawalan ng pinagkakakitaan ang mga tao. Marami ang nagkasakit na ang tinuturong dahilan ay ang isinukang toxic ng Marcopper. Hanggang ngayon tinataglay pa ng mga taga-Boac ang ibinigay ng dayuhang minahan.
Ngayon, sa muling pag-ooperate ng Lafayette, nakaamba ang panganib.