Tusong anak

ANG mag-asawang Manuel at Mina ay nagmamay-ari ng 340 square meters lot kung saan nakatayo ang bahay na may dalawang palapag. Kasama nilang nakatira rito ang lima sa 10 nilang anak samantalang ang iba tulad ni Gil ay naninirahan na sa ibang lugar.

Plano ni Mina na magbakasyon sa Amerika kaya naisip ni Manuel na isangla ang nasabing bahay at lote sa banko para matugunan ang gastusin nito. Subalit, pinilit ni Gil ang kanyang ama na huwag nang isangla ito at sa halip ay magbibigay na lamang siya ng paunang bayad sa kondisyong ang bahagi ng bahay at lupa ay mapupunta sa kanya. Ipinangako rin ni Gil na maaari pa ring manatili ang kanyang ama at kapatid na may tindahan dito. Samantala, hiniling ni Gil na ookupahan niya ang isa sa mga kuwarto ng bahay kapag lumuwas siya ng Maynila at ang isang kuwarto ay ipagagawa niya para sa pagbabalik ng kanyang ina ay magagamit na ito. Sinabi rin ni Gil sa kanyang ama na hindi niya ipagbibili ang bahay at lupa nang wala itong pahintulot at maaari pa rin nitong mabawi kapag nagkaroon na ito ng pera.

At dahil naniniwala ang mag-asawa sa mga salita ni Gil, nagsagawa sila ng isang dokumento na "Deed of Absolute Sale" noong October 22, 1987 kung saan maituturing na naipagbili nila ang bahay at lupa kay Gil sa halagang P50,000. Nakasaad din na ang naipagbili ay bahay na may isang palapag lamang at loteng may sukat na 135 square meters.

Samantala, lingid sa kaalaman ni Manuel, ipinagbili ni Gil ang bahay at lupa sa kapitbahay niyang si Bert sa pamamagitan ng isang " Kasulatan ng Bilihang Tuluyan" noong June 25, 1988. Nagulat na lamang si Manuel nang hilingin sa kanya ni Bert na lisanin na ang nasabing bahay at lupa. Doon na lamang niya natuklasan ang ginawa ng kanyang anak na si Gil. Kaya noong September 7, 1988, nagsampa ng reklamo si Manuel laban kay Gil at Bert ng Annulment of Sale, redemption, damages with preliminary injunction. Hiniling din ni Manuel na mapawalan ng bisa ang isinagawa nilang Deed of Sale o kaya naman ay mabawi nila ang bahay at lupa sa makatwirang halaga.

Pinaboran ng Regional Trial Court si Manuel. Inatasan naman si Bert na payagan si Manuel na mabawi ang ari-arian sa halagang P50,000 at bayaran nila ni Gil ang moral at exemplary damages at attorney’s fees. Sinang-ayunan naman ito ng Court of Appeals. Subalit kinuwestyun ito nina Gil at Bert kung saan iginiit nilang ang lengguwahe ng Deed of Absolute Sale ay malinaw na isang dokumento ng pagbibili kaya hindi dapat tanggapin ng RTC at CA ang parol evidence o pagpapatunay na pasalita lamang kaiba sa nakasulat na ang instrumento ay isang equitable mortgage o makatwirang sangla. Tama ba sina Gila at Bert?

MALI.
Kahit na ang nasabing Deed of Absolute Sale ay maituturing na isang kasunduan ng pagbibili, maaari pa ring patunayan ng mga magulang ni Gil bilang may-ari, na isa itong sangla. Kailangan lamang na maging isyu na ang nasabing dokumento ay hindi nagsasaad ng tunay na layunin ng mga partido sa kasunduan. Sa kasong ito, ang parol evidence ay matibay at matatanggap na ebidensya para maisaalang-alang na nagkaroon ng seguridad sa pagbabayad ng utang.

At kapag napatunayan na ang mga alegasyon, ipatutupad na ang napagkasunduan kaugnay sa tunay na layunin ng mga partido sa petsa nang isagawa nila ang kontrata (Madrigal vs. Court of Appeals G.R. 142944, April 15, 2005. 456 SCRA 247).

Show comments