Ang balitang yan ay isa lamang sa mga totoong nangyayari na kinasasadlakan ng mga bata. Sa murang gulang nila ay nasasabak na sila sa pagtatrabaho na dapat sanay sa school nila ginugugol ang oras para mag-aral. Maaga silang nakararanas ng pait para lamang kumita ng pera. Karamihan sa kanila ay itinulak ng kanilang mga magulang para magtrabaho. Sa kanila ipinapasan ang responsibilidad.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng National Coalition Against Child Labor, tinatayang nasa 4-milyong bata ang nasasabak na sa pagtatrabaho. At ang matindi, 2.8 milyon sa kanila ang nasa mapanganib na trabaho na kagaya ng paggawa ng paputok, pagmimina, quarrying, pagsisid sa dagat, prostitution, pornography at pagsasaka. Ayon sa pag-aaral, ang mga batang trabahador ay may edad na 5 hanggang 17.
Kaawa-awa naman ang kalagayan ng mga batang trabahador na hindi na ma-enjoy ang kanilang kabataan. Ang kahirapan ng buhay sa bansa ang maituturing na numero unong dahilan kung bakit maagang nasisingkaw sa pagtatrabaho ang mga musmos. Nabibiktima ng sindikato ang mga bata at inihuhulog sila sa kumunoy ng pagdurusa. Masaklap pang may mga batang namamatay dahil sa panganib ng sinuungan nilang trabaho. Karamihan sa mga batang nae-exploit ay nanggaling sa probinsiya. Sisihin din naman ang kanilang mga magulang na mabilis nabilog ang ulo ng mga sindikato.
Maraming batang Pinoy na nagpapatulo na ng pawis at nararapat na harapin ng gobyerno ang isyung ito. Hindi biro ang 4-milyong batang Pinoy na trabahador. Napakarami nito. Pakilusin ang awtoridad para masagip ang mga batang trabahador sa kuko ng mga ganid. Kaawa-awa ang kanilang kalagayan.