Kung ang mamamayang sina Juan at Juana ang tatanungin, masarap makapagsarili sa tinubuang lupa. Masarap mamuhay ng walang kinatatakutan at walang iniilagan. Datapwat may ibat ibang antas ang kalayaang ating tinatamo sa kasalukuyan.
Malaya tayong makipagtalastasan. Malaya tayong maghanapbuhay ng marangal. Malaya tayong igiit ang ating mga karapatang pantao. Malaya tayong magpahayag ng ating mga iniisip at mga nadarama. Malaya tayong makapaglakbay - sa ibat ibang dako ng Pilipinas at ganoon din sa ibang bansa.
Sa gitna ng ganitong antas ng kalayaan, maituturing nating hindi pa tayo ganap na malaya. Hindi pa tayo malaya sa kadahupan. Hindi pa malaya ang ating bansa sa pagkontrol ng ibang bansa sa ating mga produkto. Hindi pa rin tayo ganap na malaya mula sa kamangmangan. At bagamat pumasok na tayo sa panahon ng modernong impormasyon at teknolohiya, marami pa rin sa ating populasyon ang hindi gaanong marunong bumasa at sumulat. Hindi pa rin tayo ganap na malaya mula sa mga kahalagahang materyal. Ang akala natin, kapag "meron" ang isang tao, siyay magaling, nakaaangat, mas nakikilala.
Hindi pa rin tayo malaya mula sa negatibong pamumuna. Hindi pa rin natin natututuhan ang positibong pamumuna - ibig sabihin, ang magpanukala ng alternatibo sa mga bagay-bagay na nakikita nating hindi maganda. Gayunpaman, sa harap ng mga kakulangan pa at hindi pa maabot na mga hangarin, masarap pa rin ang mabuhay na nagsasarili sa bansang tinubuan.