Ang mga ipinahayag ni Panganiban ay animoy apoy na kumalat. At ang labis na nadismaya ay ang mga taga-Supreme Court mismo. Hindi nila akalain na ang kanilang bossing pa ang magsasabing nagkamali sa pagbitay sa rapist. Pagkaraan ng pitong taon ay saka nagsalita si Panganiban na maaaring nagkamali sa paghatol. Pero sabi naman ni SC spokesman Ismael Khan na hindi nagkamali ang Korte sa paghatol ng bitay. Sabi ni Khan, tama ang desisyon at walang judicial error na nangyari. Pinag-aralang mabuti ang kaso ni Echegaray.
Katwiran ni Panganiban sa pagsasabing nagkamali sa pagbitay kay Echegaray na hindi na- prove ng trial court na ito ang ama o stepfather ng biktima.
Malaking kuwestiyon sa Supreme Court ang mga ipinahayag ni Panganiban. Kung nagkamali sa pagbitay kay Echegaray, anong klaseng mga hukom mayroon ang Korte Suprema? Kung nagkamali sa pagbitay, siguradong marami ring pagkakamali sa pagbibigay ng hatol sa mga nakakulong pa. At paano naman ang iba pang nabitay na sumunod kay Echegaray. Pagkatapos mabitay si Echegaray, anim pang death convicts ang naisalang sa lethal injection chamber.
Ang pahayag ni Panganiban ay lilikha ng mga pagdududa. Laging makukuwestiyon ang kredibilidad ng mga hukom na hahatol. Baka mali ang verdict. Baka hindi ang hinatulan ang talagang kriminal.
Maiisip din na baka kaya nagsalita ng ganoon si Panganiban ay para magkaroon ng justification ang pagbasura sa death penalty law. Isang paraan iyon para maiwasan na nga naman ang maling pagbitay. Magkamali man ang hukom sa paghatol, buhay pa rin ang akusado dahil life imprisonment na lang ang hatol.
Pero, mas mainam kung hindi na nagpahayag si Panganiban na nagkamali ang Korte. Kinontra niya ang pinamumunuan.