Kamakailan, isang babaing estudyante na matagal na nag-ipon at halos tipirin ang kanyang allowance para lamang makabili ng cell phone ang sinaksak ng isang snatchers. Hindi agad nahablot ng snatcher ang cell phone kaya nanlaban ang estudyante. Sinaksak siya. Nangyari ang insidente sa Malate, Manila.
Noong nakaraang summer classes, isang estudyanteng lalaki ang inagawan ng cell phone habang papalabas ng unibersidad na pinapasukan. Mabilis na nawala ang snatcher at wala man lang pulis na nakakita sa pangyayari.
Bukod sa pang-aagaw sa cell phone, uso rin ang holdapan sa FX, dyip at bus na ang target ay cell phone. Madali kasing maibenta ang cell phone.
Para maiwasang ma-snatch ang cell phone, narito ang ilang tips: Habang naglalakad ay huwag mag-text at makipag-usap sa cell phone. Meron kasing mga taong showy at pinagyayabang na may cell phone sila. Matakaw sa mata ng mga magnanakaw ang mamahaling cell phone.
Kung hindi ginagamit ang cell phone, i-silent ito dahil ang tunog ay nakaka-attract ng attention ng mga magnanakaw. Kung nakasakay sa pampublikong sasakyan, huwag makipag-text at makipag-tsikahan. Mas marami ang naaagawan habang nakasakay sa dyipni kaya siguraduhing nakatago ang inyong cell phone sa bulsa o bag.