Pero sa kabila ng mga sakripisyo ng mga guro sa pagtupad ng kanilang tungkulin, hindi ito lubusang nakikita ng gobyerno. Hindi prayoridad ng gobyerno ang kalagayan ng mga guro na salat na salat pa rin sa suweldo. Kailangan pa nilang mag-rally para lamang maipaabot sa gobyerno ang kanilang mga hinaing.
Lagi nang nakikita ng gobyerno ang kakulangan ng classrooms at iba pang kagamitan pero nakapagtatakang hindi naman nila napapansin ang kawawang kalagayan ng mga guro na ang buhay ay inilalaan sa pagtuturo. Sinabi ng gobyerno na gumagawa na sila ng paraan para malutas ang shortage sa mga classrooms. Ipinagtaray pa ni President Arroyo nang sabihin ni DepEd acting Secretary Fe Hidalgo na may kakulangan sa classrooms. Pero nakapagtatakang wala man lamang nabanggit sa kalagayan ng mga guro. Maraming guro ang sagad na sa paghihigpit ng sinturon para mapag-abot ang kinikita. Kailangan pang magtinda ng tocino at longganisa para madagdagan ang kita.
Kung panahon ng eleksiyon, ang mga guro ang inaasahan para sa pagbibilang at pagbabantay ng mga balota. May mga gurong nagbubuwis ng buhay dahil sa pagprotekta sa balota.
Pero hindi nakikita ng gobyerno ang mga pagsasakripisyong ito ng mga guro. May mga gurong nagtitiis sa mga liblib na lugar sa probinsiya para lamang gampanan ang kanilang tungkulin. May mga gurong naglalakad nang napakalayo para makarating sa pinagtuturuang school, may nagtitiis sa kagat ng lamok pero patuloy pa rin silang nagsisilbi para matutong bumasa at sumulat ang mga bata.
Kahit may mga gurong nagsisialisan sa bansa sapagkat natanggap sa United States para roon magturo na ang sahod ay limpak-limpak, marami pa rin ang ayaw umalis at piniling turuan ang mga batang Pinoy. Ang mga ganitong klase ng guro ang dapat hangaan at bigyang parangal.
Marangal na propesyon ang pagiging guro at nararapat na bigyan nang malaking sahod at maraming benepisyo pero kabaligtaran ang nangyayari. Sila ang may maliit na sahod. Ma-realized sana ito ng pamahalaan at matutukan ang kanilang problema.