"Sige, gusto mong matulog?..."

ANG REKLAMONG ito ay nagsimula lamang nang magpaalam ang biktima sa suspek na nais na nitong matulog matapos nilang mag-inuman. Subalit minsan ay may taong makukulit katulad ng suspek sa istoryang tampok sa araw na ito.

Nauwi sa trahedya ang pamimilit ng suspek sa biktima na ipagpatuloy pa nito ang kanilang inuman.

Nagsadya sa aming tanggapan si Ceferina Luna ng Dasmariñas, Cavite upang humingi ng tulong hinggil sa kasong isinampa nito.

Mabait, maunawain at matulungin ang biktimang si Expedito na mas kilala sa tawag na Jun sa kanilang lugar. Ayon kay Ceferina, hindi makatanggi ang kanyang asawa sa sinuman ang lumapit dito lalo na kung may maibibigay itong tulong sa kapuwa.

Ika-20 ng Mayo 2006 naganap ang insidente sa bahay ng mga Luna sa Blessed Ville, Brgy. Sampaloc, Dasmariñas, Cavite. Fiesta rin sa lugar na pinangyarihan ng krimen noong araw na ‘yon. Kasalukuyang nanonood ng telebisyon si Expedito kasama ang isang kaibigan, si Maning bandang alas-7 ng gabi.

"Habang nanonood ang dalawa nagpaalam ako sa asawa ko na tingnan muna ang mga anak namin dahil lalabas lang ako ng bahay para bumili sa tindahan. Noon din ay nakasalubong si Sonny Boy Consolacion at tinanong pa sa akin kung nasaan ang aking asawa," kuwento ni Ceferina.

Itinuro naman ni Ceferina kay Sonny Boy na nasa bahay lamang ang kanyang asawa. Pagdating naman nito ng bahay naabutan na niya ang asawa na nakikipag-inuman sa loob ng kanilang bakuran.

Kainuman umano nito sina Sonny Boy, Precioso at ang isa dalawang suspek na si Mark Ortega alyas Dapo.

"Pagbalik ko mula sa tindahan nakita ko na lang na nakahanda na ang kanilang iinuman kaya medyo nainis ako. Sinabihan ko nga rin noon ang asawa ko na ‘Ano ba ‘yan!’ dahil hindi ko gustong makipag-inuman ito. Ang sabi naman ng asawa ko sa akin na hayaan na lamang daw tutal naman ay fiesta sa aming lugar," pahayag ni Ceferina.

Hinayaan na lamang umano ni Ceferina na ang asawa subalit noong bandang alas-10 ng gabi narinig na lang umano nito na nagtatalo sina Mark at ang asawa nitong si Expedito.

"Lumabas ako ng bahay para tingnan kung ano ang kaguluhan sa labas. Naabutan ko na lang na nagpapaalam ang asawa ko na gusto na nitong matulog kaya ayaw na niyang uminom. Hindi naman kasi malakas uminom si Expedito. Kapag nakakaramdam na siya ng hilo minabuti na lang nitong umuwi at matulog na lang," sabi ni Ceferina.

Lumabas si Ceferina upang awatin ang asawa. Narinig umano nitong sinabi ni Expedito kay Mark na ‘Tama na! Gusto ko nang matulog. Mahirap bang intindihin ‘yun!’ Subalit ayaw umanong pumayag ni Mark na patulugin si Expedito hanggang nauwi sa pagtatalo.

Umalis si Mark at nagsabi pa umanong babalik ito. Ilang sandali pa lamang ang nakakalipas ay bumalik ito sa bahay ng mga Luna. May dala-dala na umano itong sumpak.

"Hinihila ko papasok ng bahay ang asawa ko pero ayaw namang pumasok. Nang dumating si Mark sa bahay bigla na lamang niya itong sinumpak si Expedito subalit hindi naman ito natamaan. Hindi ko na rin malaman kung saan pa ito tumama," salaysay ni Ceferina.

Hindi na makuha pang awatin ni Ceferina ang asawa. Bilang ganti kay Mark ay kumuha umano naman ng bote ang biktima at ibinato sa suspek. Sa kalagitnaan ng away dumating naman umano si Gilbert Cotoner alyas Gel, isa sa mga suspek.

"Binato rin ng asawa ko si Gilbert hanggang sa nakalapit sila sa amin at pinalo ni Mark ng baseball bat sa ulo ito. Pagkatapos si Gilbert naman ay may dala-dala pa lang patalim noon at isinaksak sa likod ng asawa ko," kuwento ni Ceferina.

Matapos ang ginawang krimen ay mabilis namang tumakas ang dalawang suspek mula sa pinangyarihan ng krimen. Samantala hindi naman malaman ni Ceferina ang kanyang gagawin noong mga oras na ‘yon. Duguan ang asawa dahil sa tama ng saksak dito.

"Dinala namin siya sa ospital subalit hindi na nakaabot pa ng buhay ang asawa ko. Patay na siya pagdating namin sa ospital," sabi ni Ceferina.

Nagpunta si Ceferina sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang dalawang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong murder.

"Kilalang notoryus ang pamilya ni Mark. Sa katunayan pa nga nito ay kahit na nakaburol pa ang asawa ko ay nakukuha pang magwala ng kapatid ni Mark na si Nonoy. Pinagbabantaan at tinatakot pa kami. Nagbanta din ito na kung sinuman ang tutulong sa amin sa kasong ito ay papatayin niya. Kaya naman sa takot namin minabuti na lamang naming ilipat ang burol sa bahay ng hipag ko upang makaiwas na rin sa gulo," pahayag ni Ceferina.

Ayon pa kay Ceferina, takot na takot sila kaya tuluyan na rin nilang nilisan ang kanilang bahay at baka hindi na umano tumigil ang kapatid ng suspek sa panggugulo sa kanila.

Hangad ni Ceferina na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa asawa at umaasa din sila na mapabilis ang pag-usad ng kaso upang pagbayaran ng suspek ang kanilang ginawa.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porfirio Encisa Jr., Chief, Subdivision and Consolidation Division ng LRA.

Nais kong batiin ang aking inaanak na si Shawne Clair Madrigal.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *


E-mail address: tocal13@yahoo.com

Show comments