Ayaw umalis sa inokupahang lote

MULA pa noong March 1980, naninirahan na si Hermie sa maliit na bahagi ng 1,399 square meters na lote na pag-aari ng apat na magkakapatid na ang apelyido ay Bausa. Malapit ang kalooban ng magkakapatid kay Hermie kaya pinayagan nila itong magtayo ng maliit na bahay sa loob ng 10 taon sa rentang P100 lamang. Nang matapos ang 10 taon, hiniling ng magkakapatid na Bausa na ibalik na sa kanila ni Hermie ang inokupahang bahagi at gibain na rin ang bahay nito. Hindi pumayag si Hermie at sa halip ay inangkin ang buong lote.

Kaya, noong May 21, 1991, naghain ang magkakapatid na Bausa ng reklamong "Recovery of Ownership and Possession, Removal of Construction and Damages" laban kay Hermie sa layuning mapaalis ito at maibalik sa kanila ang pagmamay-ari at pamumusesyon ng lote. Hiningi rin nila ang moral at exemplary damages, attorney’s fees at litigation expenses sa halagang makatwiran ayon sa ebidensya.

Nakapag-sumite si Hermie ng Answer noong July 2, 1991 kung saan iginiit niya ang pagmamay-ari ng nasabing lote batay sa Deed of Absolute Sale noong July 2, 1980 sa pagitan nila ni Tomas de la Cruz kung saan pinahintulutan at kinilala raw ito ng magkakapatid.

Nagkaroon ng paglilitis at kumpletong naibigay ng magkakapatid ang kanilang ebidensya. Pagkatapos ay si Hermie naman ang nagsimulang magbigay ng kanyang testimonya sa pamamagitan ng kanyang abogado. Subalit, noong June 24, 1998, namatay si Hermie nang hindi nakukumpleto ang kanyang ebidensya. Nagbitiw ang abogado ni Hermie nong August 4, 1998 dahil tinanggal ito ni Hermie Jr. Makalipas ang pitong taon matapos ang pagsusumite ni Hermie ng kanyang Answer, kinuwestyun ng mga tagapagmana ni Hermie sa pamamagitan ng bagong abogado, sa unang pagkakataon, ang isyu ng hurisdiksyon, sa isang motion to expunge ang reklamo mula sa record at ipawalang-bisa ang paglilitis dahil hindi raw tinukoy ng magkakapatid na Bausa sa kanilang reklamo ang halaga ng pinsala para mabayaran ang kaukulang docket fees. Tama ba ang mosyon?

MALI.
Dapat ay nagsumite ang bagong abogado ng mga tagapagmana ni Hermie ng pormal na substitusyon ng mga partido sa loob ng 30 araw mula sa petsa ng pagkamatay ni Hermie ayon sa Section 16, Rule 3 Rules of Court. Layunin ng substitusyon na mabigyan ng proteksyon ang karapatan ng bawat panig sa wastong proseso. Bukod dito, kailangan din na matiyak na si Hermie ay maayos na kinakata-wan sa kanyang kabuuang ari-arian.

At dahil walang substitusyon na isinumite, walang hurisdiksyon ang Korte sa mga tagapagmana ni Hermie at wala ring personalidad ang kanilang abogado na ihain ang nasabing mosyon (Heirs of Betuldo Hinog vs. Melicor et.al. G.R. 140954, April 12, 2005. 455 SCRA 460).

Show comments