NPA ‘hit list’ kaduda-duda

NAGPALABAS daw ng "order of battle" ang New People’s Army (NPA) para iligpit si Presidente Arroyo at 15 pa sa kanyang mga top officials. Matagal nang pilit pinalulutang ang umano’y planong pagpatay sa Pangulo at ilan pang cabinet officials. Marami ang di naniniwala. Inaakala kasi ng marami na gumagawa lang ng scenario ang administrasyon para makapagpatupad ng martial law.

Dapat sigurong lumantad ang NPA sa pamamagitan ng spokesman nito na si Ka Roger at gumawa ng opis-yal na pahayag kung totoo o hindi ang "hit list" na ipinamahagi ng Malacañang sa mga reporter. Hangga’t walang kumpirmasyon ang CPP/NPA, mahirap paniwalaan ang balitang iyan.

Maraming posibilidad kung bakit lumutang ang "hit list" na iyan. Puwedeng kagagawan nga ng mga rebeldeng komunista dahil alam nilang hindi ito "kakagatin" ng taumbayan na lalu lamang maaasar sa administrasyon. Maaari ring ito’y pakulo ng mga taong nasa bakuran ng administrasyon na kunwa’y kakampi pero ang tunay na intensyon ay gibain ang Pangulo. O kung wala mang ganyang maitim na balak, may katangahan para isiping ang ganyang pakulo ay makatutulong sa administrasyon. Inaanalisa lang natin ang lahat ng posibilidad.

Talagang kaduda-duda kung mayroon ngang ser-yosong banta ang NPA para likidahin ang Pangulo at ang kanyang mga opisyal. Kung ito’y sadyang gagawin, hindi na nila ilalantad pa ang sinasabing hit list. No assassin in his right mind will telegraph his plans lalo pa’t ang kala-ban ay ang gobyerno na may malakas na hukbo at pulisya na magsisilbing kalasag ng kanilang mga target na patayin.

Ang NPA ay magpapalabas lang ng announcement matapos isagawa ang execution, kasama ang dahilan kung bakit iniligpit nila ang isang tao.

Pero para sa maraming mamamayan, ang epekto nito’y pagkagalit lalo sa administrasyong Arroyo. Mahirap ang katayuan sa ngayon ng Pangulo. Ano mang gawin niya, mali sa mata ng maraming mamamayan.

(Email me at alpedroche@philstar.net.ph)

Show comments