^

PSN Opinyon

‘Katapusan n’yo na...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
WALANG AWANG pinagtulung-tulungan ng isang grupo ang dalawang biktima matapos umanong mapagtripan ito.

Nagsadya sa aming tanggapan si Miguela Perez ng Pampanga upang humingi ng tulong hinggil sa kasong frustrated homicide na isinampa nila laban sa mga suspek na nagtangka umanong patayin ang anak nitong si Joelito.

Ika-20 ng Nobyembre 2005 bandang alas-3 ng hapon lulan ng isang tricycle ang biktimang si Joelito at minamaneho ng bayaw nitong si Jay Natividad. Patungo ang mga ito sa Magumbali, Candaba, Pampanga para makiramay sa mga namatayan ng isang kamag-anak.

Habang binabagtas umano ng dalawa ang daan hanggang sa umabot ang mga ito sa boundary ng Salapungan at Mangubali nagulat na lamang ang mga ito nang harangin sila ng isang grupo ng kalalakihan.

"Nagulat na lamang sila ng harangin sila ng mga ito sa hindi nila malaman na dahilan. Paghinto ng tricycle bigla na lamang sinuntok ng isa sa mga lalaking, si Nelson dela Cruz si Jay. Dahil sa pagkakasuntok, nahulog ito sa kanyang tricycle ," sabi ni Miguela.

Ang mga lalaking ito ay kinilalang sina Nelson dela Cruz, Michael Lacanilao, Christopher Hernandez, Mardy dela Rosa at Jerry Suba na residente rin sa Candaba, Pampanga. Ang mga lalaking ito ay pawang mga lasing na lasing, ayon kay Miguela.

Nang mahulog umano si Jay, dinakma ito ng grupo at pinagtulung-tulungan gulpihin subalit dahil sa dami ng mga ito ay hindi na nakuhang manlaban pa.

"Hinawakan daw siya nina Michael at Mardy kaya naman walang humpay sa panununtok sina Nelson, Medel at Jerry. Sinabi rin daw sa kanya ng mga ito na ‘yon na ang kanyang katapusan dahil papatayin nila si Jay," salaysay ni Miguela.

Samantala nang makita naman ni Joelito ang ginagawang pambubugbog sa kanyang bayaw bumaba ito sa tricycle upang awatin ang mga ito. Tinanong din umano ni Joelito kung ano ang kanilang kasalanan subalit sa halip na siya ay sagutin ay siya naman ang binalingan ng mga ito.

"Ang anak ko naman ang kanilang hinarap at pinagtulung-tulungan pagsusuntukin at pinagsisipa. Sinabi raw ng mga suspek na ‘Ito ang ating hinahanap!’ Wala naman silang naging atraso sa mga ito kaya nagulat na lamang sila sa ginawa ng mga ito," paliwanag ni Miguela.

Nagkaroon naman ng pagkakataon si Jay na makatakbo at makahingi ng tulong. Kay Reynaldo Lapuz, isang barangay kagawad nakahingi ng saklolo si Jay at agad namang pinuntahan si Joelito na hindi pa rin umano tinitigilan ng mga suspek sa pambubugbog.

"Pilit daw na nilulubog ng mga suspek ang mukha ng anak ko sa putik at sinasabi rin umano nila na ‘Katapusan mo na dahil papatayin ka na namin!’ Sinabi rin nitong si Nelson na ‘Sige patayin na natin siya at kung may magrereklmao, babayaran na lang ng mga magulang ko!’ Hindi pa rin sila tumitigil sa pambubugbog. Halos hindi na nga raw makahinga ang aking anak ng mga oras na ‘yon," kuwento ni Miguela.

Dumating si Reynaldo at sinigawan ang mga suspek subalit hindi naman pinansin ng mga ito at patuloy pa rin sa kanilang ginagawa kaya nagpaputok umano ito ng baril bilang warning shot.

"Saka pa lamang tumigil ang mga suspek sa pananakit sa anak ko at kung hindi dahil kay Kagawad Reynaldo maaaring tuluyan na nilang patayin ito," sabi ni Miguela.

Nasaksihan umano ni Reynaldo at ilan pang kabarangay nito ang insidente. Inihaon sa kanal si Joelito at pinauwi sa kanilang bahay at sinabihan na ring magpunta sa ospital upang magpasuri at magpagamot na rin mula sa tinamo nitong sugat.

"Pagbalik pa ni Kagawad Reynaldo naabutan niyang naroroon pa rin ang mga suspek at pinagpapalo ang tricycle na gamit ng mga anak ko. Hinanap pa nga din ni kagawad ang iba nilang kasamahan at sinabing kumuha ito ng patalim para tuluyan ng patayin ang aking anak," sabi ni Miguela.

Ipinarating sa barangay ang nangyaring insidente. Inireklamo nina Jay at Joelito ang mga suspek. Nang magharap-harap sila inamin umano ng mga suspek ang ginawa nila. Napagkasunduan din na aaregluhin na lamang ang kaso dahil hindi na rin iba ang turing ng pamilya ng biktima sa pamilya ng ilang suspek.

"Nagpasya na rin kami magsampa ng kaso dahil sa hindi nila pagtupad sa kasunduan. Kung anu-ano ring pananakot ang kanilang ginagawa sa amin. Matapos nilang aminin sa barangay ang kanilang ginawa ay pinabulaanan naman nila sa kanilang salaysay ang kanilang ginawa. Ang sinasabi nilang ang anak ko at si Jay ang nag-umpisa ng gulo at ‘yon ay walang katotohanan," pahayag ni Miguela.

Hangad ni Miguela na magkaroon ng hustisya ang tangkang pagpatay sa kanyang anak. Umaasa din siyang mapapabilis ang pagbaba ng resolution at ito ay pumabor sa kanila upang pagbayaran ng mga suspek ang kanilang ginawa.

Nais kong pasalamatan si Irma Calica ng RITM para sa lahat ng kanyang tulong. Nagpapasalamat din ako kay Joan Asuque ng Mercury Madrigal, Alabang. Mabuhay kayo.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: [email protected]

ANAK

JOELITO

KANILANG

MIGUELA

RIN

SUSPEK

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with