Ito naman si Justice Secretary Raul Gonzalez, of all people, bakit siya pa ang nagsabi na dapat mamundok na lamang ang mga progresibong kongresista? Hindi bat dahil sa kanyang sinabi, parang nawalan na rin ng pag-asang magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa, kaya para na ring siya ang nag-destabilize sa kanyang sariling gobyerno? At dahil sa hinikayat niya ang mga kongresistang ito na humawak na lamang ng armas, hindi bat para na ring siyang nag inciting to sedition?
Sa ginawa ng dalawang kalihim na ito, wala man lang tayong narinig kay Mrs. Gloria Macapagal Arroyo. Ang ibig kong sabihin, ay hindi man lamang niya sinita ang dalawang ito. Sa halip, ang sinabon niya ay si Acting Education Secretary Fe Hidalgo na wala naman talagang kasalanan dahil nagsabi lang naman siya ng totoo na kulang naman talaga ng mga classrooms ang ating public schools. Ganito na ba ang style ng ating gobyerno ngayon na ang nagsasabi ng totoo ay sinasabon na, at ang hindi nagsasabi ng totoo ay pinapabayaan na lamang?
Sa nakikita ko ngayon, ang mga binabansagan lamang na destabilizer ay ang mga kalaban ni Mrs. Arroyo, kahit hindi naman tiyak na kinakalaban nila ang estado. Hindi si Mrs. Arroyo ang estado at hindi ibig sabihin na ang kumakalaban sa kanya ay may sadyang kalabanin ang estado.