Noong Lunes ay ginunita ang World No Tobacco Day. Walang tabako o sigarilyo dapat sa araw na iyon pero dahil walang ngipin ang batas o hindi siniseryoso ang kampanya, marami ang naninigarilyo. Masaklap pa ngang ang mga naninigarilyo ay ibinubuga ang kanilang usok sa katabi. Marami ang nakalalanghap ng segunda manong usok at malamang na una pa silang magkasakit kaysa sa tunay na naninigarilyo.
Ang World No Tobacco Day ay balewala sa-pagkat marami naman ang hindi nakaaalam na ginugunita pala ang araw na walang tabako. Kung ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hindi alam nang nakararami, imposible nga nilang malaman na mayroon palang World No Tobacco Day.
Sa report ng World Health Organization (WHO), 3,000 katao ang namamatay araw-araw dahil sa paninigarilyo. Kaya nagbabala ang WHO na iwasan ang paninigarilyo. Mas lalong delikado pa anila ang second hand smoke na nalalanghap ng mga hindi naninigarilyo.
Malambot ang batas sa bansang ito laban sa mga naninigarilyo. Maraming lumalabag sa kabila na mahigpit nang ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at sasakyan. May mga alagad ng batas na kinokotongan lamang ang mga mahuhuling naninigarilyo sa sasakyan.
Habang ang Department of Health at mga mambabatas ay nag-iisip ng paraan kung paano masasawata ang paninigarilyo patuloy naman ang cigarette companies sa pagpapasarap at pagpapaganda ng kanilang produkto at pati mga kabataan ay naaakit nang manigarilyo.
Nasaan na ang kampanya ng MMDA sa mga naninigarilyo sa publikong lugar? Wala na!