Mga honorableng Senador, hindi ba kayo nababahala? Tama na muna ang pamumulitika at asikasuhin ang mabilis na pagsasabatas ng Biofuel Acts of 2006 na hangga ngayoy bibitin-bitin pa rin sa ere.
Sa Alternative Fuels Program, layong maging 60 porsyentong supisyente sa enerhiya ang bansa sa taong 2010. Palalaganapin ang paggawa at paggamit ng bio-ethanol na galing sa sugarcane para maihalo sa gasolina at ng coco-methyl-ester na ihahalo naman sa diesel. Hindi na imposible ang prospect na ito dahil ginagamit na sa mga mauunlad at umuunlad na bansa gaya ng US, Brazil, China, India at Thailand.
Sagana tayo sa halamang tuba-tuba (Jetthropa Curcas) na puwedeng pagkunan ng langis kaya no problem kung maisusulong na ang programang ito alang-alang sa survival ng bansa. Masyado nang nasasakal ang taumbayan sa di mapigilang pagtaas sa halaga ng petrolyo. May remedyo naman kung titigil na lang sa pamumulitika ang ating mga mambabatas at bigyang prayoridad ang ganitong importanteng lehislasyon. Bilyun-bilyong pisong halaga ang matitipid ng bansa kapag naikasa ang programang ito. Halagang magagamit sa kapakanan ng taumbayan.
Alam nyo ba na batay sa research ng US Department of Energy, mas episyente pa ang petrolyong may coco-methyl-ester at ethanol? Malinis pa ang usok nito at mainam sa kapaligiran kapag nagkataon. Kamakailan, pinasinayaan ni Presidente Arroyo ang P950 milyong Chemrez coco-bio-diesel plant at paglalaanan pa raw ito ng P1.5 bilyon para tumaas ang kapasidad sa produksyon ng 75 milyong litro ng blended petroleum bawat taon. Magandang simula iyan. Sanay maakit pa ang maraming negosyante na mamuhunan sa ganitong negosyo para hindi natin pinuproblema ang pagtataas sa halaga ng petrolyo.
Ang aksyon na lang ng mga Senador ang kailangan para lalong mapabilis ang implementasyon ng programang ito.
(Email me at alpedroche@philstar.net.ph)