Isa sa pinaka-latest na napatay ng mga nakamotorsiklong lalaki ay ang dating commnist rebel na si Sotero Llamas. Nakasakay sa kanyang minivan si Llamas nang pagbabarilin ng dalawang magkaangkas sa motorsiklo. Tinamaan sa ulo at katawan si Llamas at namatay noon din. Hinala ng pulisya, pinatay si Llamas ng mga dating kasamahang rebelde. Sabi naman ng CPP-NPA, ang military ang nasa likod ng pagpatay.
Si Llamas ang ikawalong tao na napatay sa buwang ito. At sa maniwala at sa hindi, pawang mga nakamotorsiklo ang nagsagawa ng pag-ambush. Pagkaraang barilin si Llamas, walang anumang tumakas ang mga salarin. Hanggang ngayon, wala pang mapagkikilanlan sa mga suspect.
Bago pinatay si Llamas, napatay din ng mga nakamotorsiklong kalalakihan ang founding member ng Bayan Muna na si Noli Capulong sa Calamba, Laguna. Mabilis ding nakatakas ang mga suspects at hanggang ngayon ay nangangapa pa ang pulisya.
Mga lalaking nakamotorsiklo rin ang pumatay sa radio commentator na si Fernando Batul. Nakasakay sa kanyang service vehicle si Batul nang pagbabarilin ng mga lalaking nakamotosiklo. Isang pulis ang itinuturong pumatay kay Batul. Isang linggo bago patayin si Batul, binaril din at napatay ang photojournalist na si Albert Orsolino at mga lalaki ring nakamotorsiklo ang bumaril sa kanya. Pulis din ang suspect sa pagpatay kay Orsolino.
Marami pang pinatay at pawang mga nakamotorsiklo ang mga salarin. Mabilis nga namang makatatakas kapag motorsiklo ang gamit. Hindi maiipit sa trapik. Hindi basta mahahabol ng mga pulis.
Dapat maghigpit ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng mga lalaking naka-motorsiklo lalo na ang magkaangkas. Maglagay ng checkpoint at inspeksiyunin ang mga naka-motorsiklo kung may dalang baril at kahina-hinala ang kilos. Sa panahong ito na ang motorsiklo ang gamit para mang-ambus, dapat maghigpit sa mga sasakyang ganito ang PNP.