Una, dudumi ang reservoir na pinagkukunan ng 14 milyong Greater Manilans ng tubig-inumin. Ang bagong site ay 1 km ng diretsong landas pailaya mula sa dam, sa loob ng perimeter fence ng La Mesa at tabi ng Quirino Highway, Quezon City. Anang U.P. National Hydraulics Research Center, mababawasan ang dumi kung itatawid ang flood drains at sewer pipes sa Amparo Village sa kabila ng highway pero hindi lubos na aalis ang dumi. At ang nakalalasong heavy metals mula sa basura (halimbawa katas ng lumang baterya) ay bubuhos sa reservoir tuwing uulan.
Kapag nalason ang tubig, mapipilitang igahan ang reservoir sa sulok nito na pinaka-malayo sa pabahay, pero one-fifth lang ang liit. Kakapusin ang water supply ng Greater Manila. Mapipilitan ang MWSS na humigop ng dagdag na tubig mula sa Angat Dam. Ang Angat ang inaasahan ng mga magsasaka sa Central Luzon para sa patubig. Kung mabawasan sila ng supply, bababa ang ani ng pananim. Tataas ang presyo ng pagkain. Hindi lang 14 milyong Greater Manilans ang mapeperhuwisyo ng 1,411 pabahay, kundi buong Luzon.
Kakailanganin ding putulin ang matatandang puno sa 58 ektarya. Miski ba 0.03% lang ito ng 2,000 ektaryang watershed, magsisimula nang sirain ang kubli ng mga taga-lungsod kontra sa maruming hangin. Lalala ang respiratory diseases. Magiging masamang ehemplo ang pabahay. Pati ang 378 pang ibang watershed sa bansa ay aangkinin din para sa pabahay.
Umoo na sana ang 1,411 empleyado sa alternatibong site sa Antipolo City. Doble ang laki ng lote, pero sa bargain na P5,50 per sqm pa rin.