Nagpahayag ang Amnesty International na masyado na silang nababahala sa mga nangyayaring patayan sa Pilipinas at lumalabas na wala nang pagkilala sa karapatang pantao sa bansa. Wala silang makitang proteksiyon na ibinibigay sa mga testigo. May mga suspect sa krimen na pinapatay. Ang ipinahayag ng Amnesty International ay agad namang kinondena ng Malacañang. Hindi raw parehas ang Amnesty International.
Dahil naman sa maraming napapatay na journalists, naitala ang Pilipinas na ikalawa sa pinaka-mapanganib na lugar sa buong mundo para sa mga journalists. Ang Iraq naman ang nangunguna.
Dahil sa mga pagpatay na nagaganap sa kanyang administrasyon, nag-utos si Mrs. Arroyo na wakasan na ang mga nangyayaring patayan. Nasaling marahil ang Presidente sa pasaring ng AI. Ang direktiba ng Presidente ay inihayag sa ginanap na meeting. Inatasan ng Presidente ang PNP at mga investigating agency na madaliin ang pag-iimbestiga at nang matapos na ang mga nagaganap na patayan.
Noong nakaraang linggo isang radio commentator ang binaril at napatay sa Puerto Princesa City, Palawan. Pinagbabaril ang commentator na si Fernando Batul hanggang mamatay. Isang linggo na ang nakalilipas, binaril din at napatay ang photojournalist na si Alberto Orsolino. Mga pulis ang itinuturong pumatay sa dalawang mediamen.
Habang nagaganap ang pagpatay sa mga journalists, sunud-sunod din ang pagpatay sa mga miyembro ng makakaliwang grupo. Ayon sa talaan ng human rights commission tinatayang 222 katao na ang mga napapatay mula noong January 2001 hanggang May 2006.
Wakasan ang patayan, sabi ni Mrs. Arroyo. Hindi lamang yan ang dapat gawin, panagutin ang mga pumatay at ang mga "utak" sa pagpatay. Marami nang nauuhaw sa hustisya at dapat lamang nila itong makamit.