Malala na ang problema sa droga at lalo pang nagiging problema sapagkat ang mga awtoridad na magpapatupad ng batas ay kabilang na rin sa pasanin ng bansa. Hindi na nakapagtataka kung mawalan nang tiwala ang mamamayan sa mga alagad ng batas.
Ang pagkakahuli sa dalawang miyembro ng PNP at dalawang officers ng PAF sa aktong gumagamit ng shabu sa Merville Park, Parañaque City noong nakaraang Lunes ay nagpapaalala na dapat nang magkaroon ng paglilinis sa PNP at PAF. Nararapat nang isagawa ang sorpresang pag-drug test sa mga pulis at sundalo ng air force.
Nahuli sa mga durugistang sundalo at pulis ang 10.8 grams ng shabu, Valium tablets at drug paraphernalias. Nahulihan din sila ng granada.
Matagal na raw tinutugaygayan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay na ginagawang drug den sa Merville. Nang makakuha ng arrest warrant ang NBI ay sinalakay nila ang bahay na pinagdarausan ng shabu session.
Nakababahala at nakaaalarma na ang nangyayaring ito na pati ang mga alagad ng batas ay nalululong na sa shabu. Kanino pa hihingi ng tulong ang mamamayan sa oras ng kagipitan? Maaari bang hingian ng tulong ang isang pulis o sundalong bangag sa shabu? Baka ang mangyari, ang nagsusumbong pa ang ikulong o barilin kaya ng pulis na bangag.
Hindi na rin nakapagtataka kung marami sa mamamayan ang natatakot nang lumabas sa bahay sa gabi dahil sa mga krimeng nagaganap na ang pinag-uugatan ay ang pagkalulong sa shabu.
Kabi-kabila ang mga nangyayaring krimen, gaya ng panghoholdap, panggagahasa. pangingidnap at kung anu-ano pang krimen. Kung anu-ano ang pumapasok na kademonyohan sa isip kapag nakagamit ng shabu.
Maging prayoridad ng pamahalaan ang pagwasak sa sindikato ng droga para matapos na ang problema. Durugin ang mga salot. Para sa amin, walang ibang makadudurog sa mga "salot" kundi ang mga matitinong pulis na handang ialay ang buhay.