Lalong nagmumukhang onsehan ang deal sa kabila ng pag-amin ni Agrarian Reform Undersecretary Narciso Nieto Jr. na P100,000-P300,000 kada ektarya lang pala ang pagbili o pagbenta sa marami nang tubuhan na ni-land reform.
Samantala, may ulat na nagpahiging na raw ang Cojuangcos sa team na magpe-presyo sa higanteng lupain. Ayon umano sa Hacienda Luisita Inc., bilang estate manager, dapat P1 milyon kada ektarya daw ang ibayad ng gobyerno. Kasi ito rin daw ang presyong ibinayad ng Bases Conversion and Development Authority sa Cojuangcos nung 2003, nang kainin ang 77 ektarya ng bagong expressway.
Kung totoo ito, dapat pumasok sa eksena ang Ombudsman. Tila kasi may anomalyang naganap sa pagbayad ng BCDA.
Maraming tubuhan ang na-e-expropriate ng gobyerno para gawing highway, airport o iba pang public utility. Nitong nakaraang walong taon, sakop ang 2003, ang opisyal na valuation sa tubuhan ay P50 per square meter, o P500,000 kada ektarya. Sinasabi ng Cojuangcos na P1 milyon kada ektarya ang nasingil nila. Kung gayon, may overprice na P500,000 kada ektarya. Sa P77 milyon para sa 77 ektarya, P38.5 milyon ang overprice.
Hindi malinaw kung ano ang naging batayan sa special valuation na P1 milyon. Ang klaro lang, umalingasngas na ito nung 2003 sa House of Representatives. Bulung-bulungan nun na may tumibang kongresista na nagbabalak kumandidatong Vice President sa 2004. Hindi siya sinisti noon dahil kakampi pa ng administrasyon, pero ngayon nasa oposisyon na.