Una, hindi malinaw kung gaano talaga kalaki ang lupain. Ayon sa records ng Dept. of Agrarian Reform, 5,938 ektarya ang hacienda. Pero 4,874 ektarya lang daw ang puwedeng i-land reform. Kinansela ang titulo sa 1,025 ektarya pa sa industrial-use conversion.
Sabi naman ni DAR Undersecretary Narciso Nieto Jr. sa pulong sa mga magsasaka nung Martes, 4,915 ektarya lang ang kabuuang area. Pero nasa 4,600 ektarya lang daw ang bibilhin at ipapamahagi kapag inalis ang mga kalsada, kanal at bahayan.
Bakit hindi magtugma ang dalawang area estimate? Bakit mahigit 1,000 ektarya ang kaibahan? May himala ba sa sukat?
Ikalawat mas malala, magulo ang presyuhan. Karaniwan sa CARP na kung magkano ang bili ng DAR sa haciendero ay ganun din ang benta sa kasama. Pero anang Alyansa ng Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita, humuhugong na presyuhan ay P2 milyon kada ektarya, o P200 per square meter mabigat para sa mga maralita.
Itoy sa kabila ng napaulat na feelers ng Cojuangcos sa gobyerno na P1 milyon kada ektarya, o P100 per square meter. At itoy sa kabila rin ng gawi sa CARP na P100,000-P300,000 kada ektarya lang, o P10-P30 kada square meter, ang presyuhan sa mga tubuhan. Abay sa lahat ng kalakalan ng gobyerno, pinaka-mahal nang valuation sa tubuhan ang P500,000 kada ektarya, o P50 per square meter.
Bakit iba-iba ang presyo? Normal ba itong tawaran o niluluto na ang magsasaka? Abay kung mahal, hindi nila mababayaran ang lupa.