Maganda ang birth rate figure na 1.95% nung 2005 dahil malapit na ito sa government target na 1.9% sa 2001-2010. Kung mas konti ang taong pakakainin, mas mapagkakasya ang konti ring kita sa ekonomiya at pondo ng gobyerno sa programa para sa maralita.
Pero bakit dumami ang tag-gutom? Ibig sabihin lang, miski bumagal ang birth rate, masyado pa rin itong malaki at masyado pa ring mahina ang ekonomiya at laan ng gobyerno sa maralita. Kumbaga, malaki pa rin ang agwat, at kailangang kumilos ang lahat.
Gutom ang tao kung kulang sa kita. Ayon sa World Bank, $1 o P50 lang kada araw ang kita ng 2.54 milyong pamilya nung 2005. Nilabas sa TV kelan lang ang buhay ng mag-amang nagta-trabaho sa coconut farm. Hukot na si ama, menor de edad si anak. Tanghalian nilay isang pinggang kanin na binuhusan ng instant noodles walang sustansiya, pampalasa lang. Sagisag nila ang ngayoy 2.8 milyon nang pamilyang hikahos.
Mabilis na solusyon kung magbabayad lahat ng tamang buwis at matigil ang katiwalian sa gobyerno. Kung ganun, dadami ang pondo para sa maralita.
Pero ngayon pa lang sinasabi na ng mga ekonomista na kukulangin pa rin ang pondo miski tama ang buwis at walang corruption. Kasi raw mahina ang ekonomiya dahil kulang sa puhunan. Nasa Charter change talaga ang solusyon, para burahin ang mga probisyong kontra-investors.