Kamakalawa ay isa na namang militant leader ang napatay makaraang pagbabarilin ng mga hindi kilalang kalalakihan. Ang napatay ay si Jose Doton, secretary-general ng Bayan Muna-Pangasinan chapter. Si Doton ang ika-79 na miyembro ng Bayan Muna na napatay mula noong 2001. Sa ulo siya tinamaan. Kilalang aktibista umano si Doton na tumutol sa construction ng dam sa kanilang lugar. Habang sinusulat ang editoryal na ito wala pang nahuhuling suspect ang pulisya.
Si Doton ay napatay, dalawang araw makaraang patayin din naman ang isa pang Bayan Muna leader sa San Fernando, Pampanga. Binaril din si Manuel Nardo sa ulo. Halos magkapareho ang estilo ng pagpatay sa dalawang lider ng Bayan Muna. Sa ipinalabas na talaan ng Bayan Muna, 67 na ang napapatay nilang kasamahan sa taong ito.
Halos kasabay nang pagpatay sa lider ng Bayan Muna sa Pangasinan, itinumba rin naman ang photographer ng tabloid na Saksi. Binaril at napatay si Albert Orsolino habang nagpapakarga ng gasolina sa isang lugar sa Caloocan City dakong 10:00 ng umaga noong Martes. Hindi na nakarating ng buhay sa ospital si Orsolino dahil sa mga tama sa katawan. Si Orsolino ang ika-78 miyembro ng media na napatay mula noong 1986. Bukod sa pagiging tabloid photographer, isang councilman si Orsolino.
Patuloy ang pagtaas ng krimen at maaaring tumaas kung hindi makukumpiska ang mga nagkalat na armas sa buong bansa. Nakapagtataka namang sa kabila ng mga may checkpoint ang Philippine National Police ay patuloy pa rin na nakapupuslit ang mga armas. Bukod sa mga patayan, patuloy din naman ang pagtaas ng mga holdapan, kidnapping at carjacking. Pawang mga baril din ang gamit ng mga sindikato na mas malalakas pa ang kalibre kung ikukumpara sa mga pulis. Paigtingin pa ng PNP ang pagkumpiska sa mga loose firearms. Hanggat hindi nakukumpiska ang mga hindi lisensiyadong baril, patuloy ang pagtaas ng krimen. Mahihintakutan ang taumbayang naghihirap.