Ang anim na estudyante ay sina Ramona Joy Carasco, Laarni Casayuran, Wilma Dadube, Marie Charlotte Lugo, Jenica Manrique at Carleen Nomorosa. Silay nag-aaral sa Sikolohiya at mga fourth year na sa darating na pasukan. Bahagi ng pag-aaral na isinasagawa nila ay upang matukoy kung paano ipinalalaganap ang mga adhikain at gawain ng pagtataguyod ng kapayapaan. Ito ay kaakibat ng kanilang pag-aaral sa Values Education na pinangungunahan ni Prof. Elvira Asuan at ng kanilang Program Coordinator na si Prof. Nonita Marte.
Sa pag-oobserba at pakikilahok sa mga gawain ng base groups ng aming samahang AKKAPKA-CANV sa Alabat, natuklasan nila na napakahalaga ng pagkilala sa dangal ng bawat tao at paggalang sa mga karapatang pantao. Ito ang pinakabuod ng pagtataguyod ng kapayapaan. Natuklasan din nila na ang mga gawaing pangkapayapaan ay nagmumula sa isang pananalig na ang bawat tao ay nilikhang kalarawan ng Diyos. Sa gayon, ang taong nais magpalaganap ng kapayapaan ay dapat munang magkaroon ng kapayapaan sa kanyang sarili.
Datapwat hindi lamang ang naturang mga estudyante ang nabiyayaan sa kanilang pakikipamuhay sa mga taga-Alabat sa pamamagitan ng kanilang pakikilahok sa seminar ng Alay-Dangal sa Quezon, Quezon. Sila man ay naging mga biyaya rin para sa mga taga-Alabat. Ang kanilang kasiglahan, pagkamasayahin, kabukasan at pag-abot sa kanilang kapwa-kalahok at pag-aalay lalo na sa mga kulang-palad sa kaalaman ay hindi malilimutan ng aming mga staff at mga kaanib ng base groups.
Sa aming mga gawaing pangkapayapaan sa Alabat, lubos at taos-puso kaming nagpapasalamat kay Fr. Jing Caparros, kura paroko ng Holy Cross Parish sa Quezon, Quezon, sa paggabay sa mga pang-espiritwal na pangangailangan ng mga kalahok sa seminar ng Alay-Dangal nitong Mayo 9-12, at kay Gng. Myrna Belen, isang wholistic therapist, na tumulong sa pag-angat ng kaalaman at kasanayan ng mga therapists ng aming mga miyembro noong Mayo 13. (Si Gng. Myrna Belen ay makokontak sa tel. no. 7466984 at 09063138753).