Para mapatunayan niya kung totoo ang ipinagyayabang ni Beth Mendoza, dapat ipa-warrant ni Mantaring ang mga bookies ni Alex Garces sa Bgy. Carmona o kilala sa tawag na Kristal. Usap-usapan kasi sa MPD na ginagamit ni Beth Mendoza ang NBI para salakayin ang mga puwesto ng kalaban ni Garces sa negosyo para masolo niya, he-he-he! Hindi pala parehas ang NBI kung pagpapatupad ng batas ang pag-uusapan, di ba mga suki?
Sinabi ng mga kausap ko sa MPD na sa mga bookies ni Garces itinatakbo ng mga llamadistang horseowners tulad nina Ed Gonzales at Jun Amelda, ang kanilang mga taya. O alam mo na kung bakit bumababa ang gross ng karera ha, Mandaluyong City Rep. Benhur Abalos Sir?
Umaabot kasi sa P200,000 ang gitna ng bookies ni Alex Garces kayat sayang din naman ang porsiyento ng kanilang taya. Kaya diyan mismo sa loob ng karera, maraming ahente si Alex Garces na taga-kuha ng taya ng mga llamadistang horseowners. Si Garces pala ay may kontak na si Sonny Cabantog, na miyembro ng isang sindikato sa loob ng karera, na kumakausap para i-perder ang mga llamadong kabayo at presto kita ang bookies niya. Get mo Rep. Abalos Sir?
Kung sabagay, yumaman na si Alex Garces sa karera at katunayan, milyon ang halaga ng bahay na ipinatayo niya sa Sta. Ana. Ang nagpayaman kay Alex Garces, anang taga-MPD, ay ang pyramid scam suspect na si Bong Espinocillo, na nagumon din sa karera. Hindi alam ni Espinocillo na naging biktima siya ng sindikato nina Garces at Cabantog at sa bandang huli ay binugbog pa siya bunga sa hindi na siya makabayad ng milyong utang sa karera.
Kaya sa desisyon niya na mag-expand ng negosyo, ginamit ni Garces ang kontak ng kapatid niya na si Beth Mendoza sa NBI nga. Kaya kung ang NBI ay kaliwat kanan ang apply ng warrant para dakpin ang mga bookies operators sa Metro Manila, si Garces ay pakuya-kuyakoy lang sa kanyang bahay dahil pasok na siya sa NBI, anang taga-MPD. At habang patuloy ang pamamayagpag ng NBI laban sa mga bookies ang napapahiya sa mata ng tao at nagmukhang walang silbi ay ang liderato ni PNP chief Dir. Gen. Arturo Lomibao, ayon sa taga-MPD.
Kaya hindi ako magtataka kung sa darating na mga araw, nakopo na ni Alex Garces at kapatid niya na si Beth Mendoza ang mga bookies operation sa Sta. Ana at maging sa boundary nito sa Makati City. Si Beth Mendoza pala ay naka-assign sa Station 6 ng MPD kung saan sakop nila ang nabanggit na area. Papagamit kaya ang kaibigan kong si Supt. Jojo Rosales sa kagustuhan ng magkapatid na Alex Garces at Beth Mendoza na mag-expand ng negosyo sa area niya? Sa susunod na mga araw ang kasagutan mga suki? Abangan!