Isa para sa lahat

SI Benito ay kamay-ari at namamahala ng lot 2587 na matatagpuan sa harap ng tabing-dagat. Pag-aari niya ang 6/8 ng lote at ang 2/8 naman ay sa mag-asawang Dencio at Lisa. Sa itaas na bahagi ng nasabing lote, naninirahan sina Tino, Alma, Lina, Terio at Ima sa pahintulot nina Dencio at Lisa dahil ito ang magiging parte nila bilang kamay-ari na tinukoy sa kasunduang pasalita sa pagitan nila ni Benito.

Samantala, naisipan ni Benito na gawing isang beach resort ang bahagi ng lote na malapit sa dagat. At upang mapalawak ang resort, hiniling niyang lisanin nina Tino ang parteng tinitirahan ng mga ito. Subalit tumanggi sina Tino dahil wala raw nakahihigit na karapatan si Benito sa tinitirahan nilang bahagi dahil ang loteng 2587 ay hindi pa nahahati sa mga kamay-ari nito at hindi pa natutukoy ang bahagi na mapupunta kay Benito. Iginiit din nina Tino na nagkaroon ng kasunduang pasalita sa pagitan nina Benito at Dencio at Lisa na ang itaas na bahaging ito ang matatanggap na parte nina Dencio kung saan sila pinahintulutang manirahan. Bukod dito, iginiit nina Tino na may karapatan silang mabayaran sa mga ginastos nila sa pagpapatayo ng kanilang mga bahay. Tama ba sina Tino?

MALI.
Ang article 487 ng Kodigo Sibil na nagsasaad "na sinuman sa kamay-ari ay maaaring maghain ng kasong ejectment," ay isang kategorikal na kapangyarihan pabor kay Benito na palayasin sina Tino sa bahaging kanilang tinitirahan sa lot 2587. Ang aksyon ni Benito laban sa limang naninirahan ay ipinapalagay na inihain para sa interes ng lahat na kamay-ari ng lote 2587 dahil wala namang patunay sina Tino na sila ay may pahintulot na manirahan dito. Ang sinumang nakatira sa lupa ng ibang tao dahil sa pahintulot o pagpapaubaya nang walang kontrata sa pagitan nila ng may-ari ay obligado dahil sa isang ipinapalagay na pangako na lilisanin nila ito kapag hiniling na, at kapag hindi, maaari silang kasuhan ng ejectment bilang nararapat na remedyo ng may-ari.

Samantala, ang pag-amin ni Benito na nagkaroon nga sila ng kasunduang pasalita sa kung anong bahagi ang makukuha nina Dencio at Lisa, ay nagpapatunay lamang na mayroon hatian sa pagitan nila, na nakahihigit sa karapatan nina Tino na manirahan dito. Ang kasunduang ito kung mayroon man, ay hindi nakabawas sa katotohanang ang pagmamay-ari sa lote 2587 ay hindi pa nahahati kaya nagbibigay ito ng suspetsa at haka-haka na sina Dencio at Lisa ay may kakayahang magpahintulot kina Tino na manirahan sa alin mang bahagi ng lote. (Resuena et.al. vs. Court of Appeals, G.R. 128338, March 28, 2005. 454 SCRA 42).

Show comments