Salita at gawa

ANO ang masasabi ninyo tungkol sa isang tao na hindi marunong tumupad sa kanyang salita? At ano naman ang masasabi ninyo sa isang tao na nagsasabing minamahal kayo ngunit hindi naman makita sa kanyang mga ginagawa? Kayo ba’y magtitiwala pa sa ganoong uri ng tao?

Sa Unang Sulat ni Juan na Ikalawang Pagbasa sa ating liturhiya ngayon, mayroon siyang paalaala (1 Juan 3:18-24).

"Mga anak, huwag kayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.

"Dito natin makikilalang tayo’y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali man tayo’y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos. Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Jesus, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Jesus sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin."


Kapag ang sinasabi nating pagmamahal sa ating pamilya, sa kapwa at bansa ay nakikita sa mga ginagawa natin, tiyak ang ating pagmamahal. At tiyak din na ang Panginoon ay nananahan sa atin. At kapag nananahan ang Panginoon sa atin, makasisiguro tayong may kapanatagan ng kalooban at kapayapaan.

Show comments