Kahit na sa kasikatan ng araw ay bumabanat ang mga carjackers. Masyadong malakas ang kanilang loob. Modus ng mga carjackers na sundan ang makursunadahang sasakyan at pagdating sa isang lugar na walang tao, saka isasagawa ang pag-agaw sa sasakyan. Haharangin ang sasakyan at saka tututukan ng baril ang driver. Ganoon lamang kasimple at tangay na ang sasakyan. Mahirap nang marekober sapagkat tsinatsap-tsap ang mga na-carjack na sasakyan.
Kinarjack ang sasakyan ni Pangasinan Rep. Amado Espino noong Martes habang nakaparada sa tapat ng isang drugstore sa Visayas Ave. Quezon City. Makalipas ang tatlong araw ay nasakote na ng mga pulis ang mga carjackers. Ganoon man, hindi pa narerekober ang sasakyan ng kongresista at pinaniniwalaang natsap-tsap na. Mabilis kumilos ang mga awtoridad at nadakma agad ang mga carjackers. Paano kung karaniwang mamamayan lamang ang naagawan ng sasakyan? Tiyak na hindi na marerekober o hindi na madadakma ang mga carjackers. Ang mga nadakmang carjackers ay miyembro umano ng isang sindikato na noon pa tinutugaygayan ng mga pulis.
Laganap ang krimen at nakadagdag pa ang pag-usbong ng mga carjackers na labis na nagbibigay takot sa mga motorista. Hindi na nila malaman kung lalabas pa sa gabi sa takot na maharang ng mga carjackers at maaaring maging daan para magbuwis ng kanilang buhay
Ang kawalan ng mga pulis sa kalsada, lalo na sa gabi ang isang maituturing na dahilan kung bakit malalakas ang loob ng mga carjackers. Nalalaman nilang ningas-kugon ang kampanya ng pulisya sa police visibility at ito ang kanilang sinasamantala. Kung magkakaroon nang pirmihan at hindi ningas-kugong kampanya ang PNP, hindi uusbong ang mga carjackers. Tiyak na mababahag ang kanilang buntot. Pero hindi ganyan ang nangyayari, alert ngayon ang PNP pero bukas o makalawa, matamlay na.